Nakipagtagpo kahapon sa Astana si Pangulong Xi Jinping ng Tsina kay Nurlan Nigmatulin, Ispiker ng Mababang Kapulungan ng Kazakhstan.
Binigyang-diin ng Pangulong Tsino na ang kooperasyon ng mga organong lehislatibo ay mahalagang bahagi ng komprehensibo't estratehikong partnership ng Tsina at Kazakhstan. Umaasa aniya siyang mapapalawak ng kapuwa panig ang mapagkaibigang pagpapalagayan, magpapalitan ng karanasan sa mga aspekto ng administrasyon, demokrasya at konstruksyon ng sistemang pambatas, kakatigan at mapapasulong ang kooperasyon ng dalawang bansa.
Ipinahayag naman ni Nigmatulin na ang kasalukuyang pagdalaw ni pangulong Xi ay nakakapagpasulong sa pagkakaibigang pangkapitbansa at estratehikong kooperasyon ng dalawang bansa. Nakahanda aniya ang panig Kazakhstani na palakasin ang pakikipagtulungan sa panig Tsino sa mga suliraning pandaigdig. Tiyak na gagawa ang parliamento ng Kazakhstan ng mas malaking ambag para sa pagpapasulong ng relasyon ng dalawang bansa, dagdag pa niya.
Salin: Vera