Kinatagpo kahapon sa Astana ni Punong Ministro Serik Akhmetov ng Kazakhstan si dumadalaw na Pangulong Xi Jinping ng Tsina.
Binigyang-diin ni Xi na may pagkokomplemento at mainam na pundasyong pulitikal ang kooperasyon ng Tsina at Kazakhstan. Dapat totohanang ipatupad ng kapuwa panig ang medium-long term plan ng kanilang kooperasyong pangkabuhaya't pangkalakalan, komprehensibong pataasin ang saklaw at kalidad ng kooperasyon sa kalakalan at pamumuhunan, at isakatuparan ang pagpapalawak ng konstruksyon ng crude oil pipeline ng dalawang bansa ayon sa plano. Dapat ding palakasin ang kooperasyon sa mga larangang liban sa yaman, at pasulungin ang pagpapalitan ng talento at kultura. Nananalig aniya siyang magiging malawak ang prospek ng kooperasyon ng dalawang bansa, at tiyak na maghahatid ito ng mas maraming benepisyo sa kanilang mga mamamayan.
Sinabi naman ni Akhmetov na ang mainam na tunguhin ng pag-unlad ng kabuhayang Tsino ay nagkakaloob ng mas maraming pagkakataon para sa kooperasyon ng dalawang bansa. Aktibong ipapatupad aniya ng kanyang pamahalaan ang mga narating na kasunduan sa kooperasyon, at pasusulungin ang kooperasyon sa mga larangang gaya ng enerhiya, pamumuhunan, komunikasyon, at agrikultura.
Salin: Vera