Isiniwalat ngayong araw sa official website ng Ministri ng Tanggulang Bansa ng Tsina ang mga nilalaman ng ika-14 na pagsasanggunian sa suliraning pandepensa, na idinaos kamakailan ng Tsina at Amerika. Ayon sa salaysay, sinabi ni Wang Guanzhong, Pangalawang Puno ng Pangkalahatang Estado Mayor ng People's Liberation Army ng Tsina, na umaasa ang kanyang bansa na hindi magiging ika-3 panig ang Amerika sa mga isyu ng Diaoyu Islands at South China Sea. Inaasahan din aniya ng Tsina, na hindi magpapalabas ang Amerika ng mga maling signal sa naturang mga isyu.
Dagdag pa ni Wang, nananatiling nagtitimpi ang Tsina sa paghawak ng nabanggit na mga isyu, at ang mga patakaran at hakbangin ng Tsina ay batay sa ideya ng pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng rehiyong ito.
Inulit naman ni James Miller, Pangalawang Kalihim ng Depensa ng Amerika, na walang pinapanigan ang kanyang bansa sa mga isyu hinggil sa soberanya ng teritoryo. Kinakatigan din aniya ng Amerika ang paglutas ng Tsina sa mga pinagtatalunang isyu ng teritoryo, sa pamamagitan ng diplomatikong paraan.
Salin: Liu Kai