Kahapon at kamakalawa, sa Suzhou, lunsod ng lalawigang Jiangsu ng Tsina, idinaos ang Ika-6 na pulong ng mga mataas na opisyal hinggil sa pagsasakatuparan ng Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC). Magkasamang nangulo sa naturang pulong sina Liu Zhenmin, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina, at ang kanyang counterpart na si Sihasak Phuangketkeow ng Thailand. Sa naturang pulong, malalim na nagpalitan ang dalawang panig ng mga palagay hinggil sa mas komprehensibo at mabisang pagsasakatuparan ng DOC at pagpapalakas ng aktuwal na kooperasyong pandagat. Idinaos rin ang pagsasanggunian ng dalawang panig hinggil sa Code of Conduct (COC) sa loob ng framework ng pagsasakatuparan ng DOC.
Ipinahayag ni Liu na ang estratehikong partnership ng Tsina at mga bansang ASEAN ay isang komprehensibong relasyon sa maraming larangan. Ang magkakasamang komprehensibo at mabisang pagsasakatuparan ng DOC ay angkop sa komong kapakanan ng iba't ibang kinauukulang panig, at makakabuti rin sa pagpapasulong ng estratehikong partnership ng Tsina at ASEAN.
Idinaos ng Tsina at ASEAN ang pagsasanggunian hinggil sa COC sa naturang pulong. Buong pagkakaisang sinang-ayunan ng dalawang panig na dapat unti-unting palawakin ang komong palagay at paliitin ang pagkakaiba. Hinggil dito, ipinahayag ni Sihasak Phuangketkeow na dapat pasulungin ang kapayapaan at katatagan ng South China Sea sa pamamagitan ng mainam na pagsasakatuparan ng DOC at pagsasanggunian ng COC. Ito ay napakahalaga para sa kapayapaan at katatagan ng kabuuang rehiyon, kaya dapat magkakasamang magsikap ang iba't ibang kinauukulang panig para rito.
Pagkatapos ng pulong, muling binigyan-diin ni Liu na ang pagtitiwalaan at kooperasyon ng dalawang panig ay makakabuti sa lalo pang pagpapasulong ng pag-unlad ng rehiyong ito. At ipinahayag rin ni Sihasak Phuangketkeow na sa kasalukuyan, ang relasyon ng Tsina at ASEAN ay pumasok sa isang bagong yugto, kaya dapat lalo pang magsikap ang dalawang panig para isagawa ang aktuwal na gawain.
Salin:Sarah