Nitong nakalipas na 4 na taong singkad, ang Tsina ay nananatiling pinakamalaking trade partner ng ASEAN. Ang ASEAN naman ay ika-3 pinakamalaking trade partner, ika-4 na pinakamalaking pamilihan ng pagluluwas, at ika-2 pinakamalaking pinanggagalingan ng pag-aangkat ng Tsina. Noong unang hati ng kasalukuyang taon, lumaki ng 8.6% ang kabuuang halaga ng kalakalang panlabas ng Tsina. Kasabay nito, umabot sa 210.56 bilyong dolyares ang kabuuang halaga ng bilateral na kalakalan ng Tsina at ASEAN, na lumaki ng 12.2% kumpara sa gayun ding panahon ng tinalikdang taon.
Tinukoy ng isang propesor ng Panyapiwat Institute of Management ng Thailand, na ang mabilis na paglaki ng bilateral na kalakalan ng Tsina at ASEAN ay may 4 na pangunahing dahilan: una, sapul nang itatag ang China-ASEAN Free Trade Area (CAFTA) noong 2010, pinababa ng kapuwa panig ang mga hadlang sa kalakalan, at tumaas ang lebel ng kanilang pag-uugnayan; ika-2, sumusulong ang pagbabago ng pamamaraan ng paglago ng kabuhayang Tsino, at ang bahagi ng industry chain ng Tsina sa Europa at Amerika ay inilipat sa mga kasaping bansa ng ASEAN, bagay na nagpalaki ng halaga ng bilateral na kalakalan ng Tsina at ASEAN; ika-3, ang paglago ng kabuhayang Tsino ay nagbunsod ng pagtaas ng pangangailangan sa raw materials ng mga bansang ASEAN; at ika-4, kasabay ng pagtaas ng lebel ng kabuhayan at kakayahan sa produksyon ng kapuwa panig, lumaki ang pangangailangan ng Tsina at ASEAN sa final product na ipinuproduce ng isa't isa.
Tinukoy ng dalubhasa na may pagkakaiba at sarili nilang bentahe ang Tsina at ASEAN sa mga aspektong gaya ng likas na yaman, kakayahan sa produksyon, at estruktura ng industriya, bagay na humantong sa pagkokomplemento nila. Halimbawa, nangangailangan ang Singapore at Thailand ng pamilihan ng Tsina, mahalaga para sa Malaysia at Indonesia ang pamumuhunan ng Tsina, at naka-asa ang Kambodya at Laos sa pondo at teknolohiya ng Tsina. Iba't iba rin ang uri ng final product na iniluluwas ng Tsina sa mga bansang ASEAN, na gaya ng produktong agrikultural at sideline products, pataba, tela, materiyal na arkitektural, elektronikong pasilidad, at iba pa.
Ipinalalagay ng isang mananaliksik ng East Asian Institute ng National University of Singapore, na nahaharap sa takdang hamon ang pag-unlad ng kabuhaya't kalakalan ng Tsina at ASEAN. Aniya, dapat patuloy na palakasin ng kapuwa panig ang pag-uugnayan, at dagdagan ang linkage ng kanilang imprastruktura.