Ipinagdiwang kahapon ng Philippine Soong Ching Ling Foundation ang ika-10 anibersaryo nito.
Sinabi ni Henry Lim Bon Liong, Presidente ng Foundation na ang nasyong Tsino ay may katangian ng pagbibigay-tulong sa iba, at minana ang katangiang ito ng mga Tsinoy. Idinagdag pa niyang susuportahan ng kanyang Foundation ang China Song Ching Ling Foundation sa pagtupad ng huli sa ikalawang yugto ng plano ng pagbibigay-tulong sa mga Pilipino. Ayon sa nasabing plano, 3.2 milyong Yuan o humigit-kumulang 20 milyong Piso ang inilaan ng China Song Ching Ling Foundation para sa mga proyekto ng rekonstruksyon sa mga lugar na nasalanta ng bagyong Yolanda (international name: Haiyan) at sa Bohol na niyanig ng malakas na lindol noong nagdaang taon.
Sa kanya namang talumpati, pinuri ni Sun Xiangyang, Political Consul ng Pasuguan ng Tsina sa Pilipinas ang Philippine Soong Ching Ling Foundation sa pagpapasulong nito ng pag-uunawaan ng mga mamamayan ng Tsina at Pilipinas, nitong 10 taong nakalipas sapul nang itatag nito.
Ang Philippine Soong Ching Ling Foundation na itinatag noong 2004 sa pagtataguyod ng ilang Tsinoy, ay ang unang Song Ching Ling Foundation sa Timog-silangang Asya. Nitong 10 taong nakalipas, kabilang sa mga itinaguyod na aktibidad ng Foundation ay ang walang-bayad na paggamot sa mahihirap na Pilipino, pag-aabuloy ng pasilidad na medikal, pagtatayo ng mga paaralan at bahay at pagpapasulong ng pagpapalitang pangkultura ng Pilipinas at Tsina. Itinatangkilik din nito ang misyon ng pagpapasulong sa pagkakaibigang Sino-Pilipino simula sa mga kabataan ng dalawang bansa. Salin: Jade