NAY PYI TAW, Myanmar—Ipinahayag kahapon ni Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina na kayang-kaya ng kanyang bansa, kasama ang ASEAN, na pangalagaan ang kapayapaan sa South China Sea.
Winika ito ni Wang bilang tugon sa kahilingang agarang pagbibigay-aksyon sa di-umano'y mahigpit na situwasyon sa South China Sea. Kalahok si Wang sa Ika-4 na Pulong ng mga Ministrong Panlabas ng ASEAN Regional Forum na binuksan kahapon.
Ipinagdiinan ni Wang na sa kabuuan, nananatiling mapayapa ang kalagayan sa South China Sea, at walang problema sa malayang nabigasyon. Idinagdag pa niyang napagkasunduan ng Tsina at ASEAN, sa nasabing pulong na patuloy na tupdin ang Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC) para marating ang Code of Conduct (COC) hinggil dito, sa lalong madaling panahon.
Ipinahayag din ni Wang ang kahandaan ng Tsina na tanggapin ang anumang mungkahing may magandang hangarin at walang kinikilingan mula sa lahat ng mga may kinalamang panig sa isyu ng South China Sea. Pero, aniya, tutol na tutol ang Tsina sa mga mungkahi na maaaring magpasalimuot ng situwasyon.
Salin: Jade