MAYNILA--Ipinahayag kahapon ni Zhao Jianhua, Embahador ng Tsina sa Pilipinas ang kanyang paniniwalang may talino, pasensiya, tapang at kakayahan ang Pilipinas at Tsina sa paglutas sa alitan hinggil sa South China Sea, sa pamamagitan ng talastasan.
Winika ito ni Sugong Zhao sa isang resepsyong handog ng Pasuguang Tsino bilang pagdiriwang sa ika-65 anibersaryo ng pagkakatatag ng Republika ng Bayan ng Tsina.
Ipinagdiinan ni Zhao na ang paglutas sa isyu ng South China Sea sa mapayapang paraan at ang pagpapasulong ng pagtutulungan at pagkakaibigan ng Tsina at Pilipinas ay komong responsibilidad ng Tsina at Pilipinas.
Inulit din ng sugong Tsino ang pananangan ng Tsina sa landas ng mapayapang pag-unlad. Aniya, ito ang natamong karanasan ng Tsina nitong 65 taong nakalipas.
Salin: Jade