|
||||||||
|
||
Ayon sa Pahayag ng Tagapangulo na ipinalabas kahapon ng ika-17 pulong ng mga lider ng Tsina at ASEAN, pagtutuunan ng mahigpit na pansin ng kapuwa panig ang patuloy na komprehensibo't mabisang pagpapatupad ng Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC), para marating ang Code of Conduct for the South China Sea (COC) sa lalong madaling panahon, batay sa pagsasanggunian.
Inulit ng pahayag ang kahalagahan ng pangangalaga sa kapayapaan, katatagan at katiwasayang pandagat ng rehiyon. Ibayo pang binigyang-diin nito ang kahalagahan ng DOC, "Magkasanib na Pahayag Bilang Paggunita sa Ika-10 Anibersaryo ng Paglagda ng DOC" na ipinalabas sa pulong ng mga lider ng Tsina at ASEAN noong 2012, at "Prinsipyong Tagapagpatnubay ng Pagpapatupad ng DOC" na pinagtibay noong 2011.
Anang pahayag, patuloy na magkokonsentra ang Tsina't ASEAN sa patuloy na komprehensibo't mabisang pagpapatupad ng DOC, at pagpapalakas ng pagtitiwalaan, para mapalakas ang katiwasayang pandagat. Hinimok din nito ang mga may direktang kinalamang bansa na mapayapang lutasin ang alitan sa pamamagitan ng mapagkaibigang pagsasanggunian at talastasan, batay sa mga simulain ng mga pandaigdig na batas na kinabibilangan ng UN Convention on the Law of the Sea noong 1982; hindi paggamit ng karahasan o marahas na banta; at hindi pagsasagawa ng aksyong magpapasalimuot o magpapasidhi sa alitan at makakaapekto sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon.
Tinukoy ng ulat na kinakatigan ng mga kalahok na lider ang pagpapatupad ng mga hakbanging kinabibilangan ng pagpapatibay ng unang dokumento ng komong palagay ng pagsasanggunian sa COC, pagtatatag ng plataporma ng hotline ng magkakasanib na paghahanap at pagliligtas sa dagat ng iba't ibang bansa, at iba pa.
Sinang-ayunan din ng mga kalahok na lider na ang susunod na taon ay "taon ng kooperasyong pandagat ng Tsina at ASEAN." Winelkam nila ang pagharap ng Tsina ng komprehensibong plano hinggil sa paggamit ng pondo ng kooperasyong pandagat ng Tsina at ASEAN.
Salin: Vera
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |