Sinabi kahapon ni Ashton Carter, Kalihim ng Tanggulang-bansa ng Amerika na hindi magkaalyado ang Tsina at Amerika, pero hindi rin maaaring maging magkaaway ang dalawang bansa. Ipinagdiinan niyang ang malakas na relasyong Sino-Amerikano ay napakahalaga para sa kaligtasan at kasaganaan ng daigdig.
Isang araw bago ang kanyang biyahe sa Hapon at Timog Korea mula ika-7 hanggang ika-10 ng buwang ito, nagtalumpati si Carter sa McCain Institute For International Leadership sa Arizona State University hinggil sa Estratehiya ng Rebalance to Asia ng Amerika, Trans-Pacific Partnership (TPP) at relasyong Sino-Amerikano.
Hindi ipinalalagay ni Carter na magiging mas malakas ang impluwensiya ng Tsina kasya Amerika sa rehiyong Asya-Pasipiko, at hindi rin niya ipinalalagay na ang pag-unlad ng kabuhayan ng Tsina ay makakaapekto sa pagkakataon ng bagong henerasyon ng kabataang Amerikano. Tinutulan din ni Carter ang kaisipan ng Zero Sum. Ipinagdiinan niyang ang tagumpay ng Tsina ay hindi nangangahulugan ng kabiguan ng Amerika, at ang relasyong Sino-Amerikano ay may kooperasyon at kompetisyon. Maaari aniyang palalimin ng dalawang bansa ang pag-uunawaan para matamo ang win-win situwasyon. Ito aniya ang dahilan na narating ng mga puno ng estado ng dalawang bansa ang dalawang kasunduang nagtatampok sa pagtitiwalaan noong 2014.
Salin: Jade