Sa Beijing—Nakipagtagpo dito kahapon ng hapon si Premyer Li Keqiang ng Tsina kay Abu Zahar, Ispiker ng Mataas na Kapulungan ng Malaysia.
Ipinahayag ni Li na mataas na pinahahalagahan ng pamahalaang Tsino ang pagpapaunlad ng relasyong pangkaibigan at pangkooperasyon nila ng Malaysia. Nakahanda aniyang palakasin, kasama ng panig Malay, ang pagpapalagayan sa pagitan ng mga pamahalaan, parliyamento, partido at sirkulong di-pampamahalaan, palalimin ang pragmatikong kooperasyon sa iba't ibang larangan, at magkasamang magpunyagi para mapangalagaan ang kapayapaan, katatagan at kaunlaran ng rehiyon, at maisakatuparan ang mutuwal na kapakinabangan at win-win situation.
Sinabi naman ni Zahar na mainam ang relasyong Sino-Malay, madalas ang pagpapalagayan sa mataas na antas, at walang humpay na lumalawak ang kooperasyon ng dalawang bansa sa iba't ibang larangan. Nakahanda aniya ang panig Malay na ibayo pang palakasin ang pagpapalitan at pagtutulungan ng dalawang bansa, dagdagan ang pagpapalitang kultural, pasulungin ang pag-uunawaan ng mga mamamayang Tsino at Malay, at pataasin ang relasyong Sino-Malay sa bagong antas. Hinahangaan aniya ng panig Malay ang aktibong pagpapalakas ng panig Tsino ng relasyon sa ASEAN. Dagdag niya, maaaring ibayo pang mapalalim ng Tsina at ASEAN ang kooperasyon sa mga larangang gaya ng kabuhayan, kalakalan, kultura, edukasyon at iba pa.
Salin: Vera