Ipinahayag kahapon ni Daniel Russel, Asistenteng Kalihim ng Estado ng Estados Unidos sa mga Suliranin sa Silangang Asya at Pasipiko, na ang Estratehiko at Ekonomikong Diyalogo ng Tsina at Amerika ay maituturing na flagship ng lahat ng mga mekanismong pamdiyalogo ng dalawang bansa. Sinabi ni Russel na walong kalihim ng Gabinete ng Amerika ang lalahok sa Ika-7 Round ng Estratehiko at Ekonomikong Diyalogo ng Tsina at Amerika, na idaraos mula ika-23 hanggang ika-24 ng Hunyo, sa Washington.
Sa press briefing sa Washington, sinabi ni Russel na ang nabanggit na diyalogo ay nagsisilbing plataporma para mahanap ng Tsina at Amerika ang pundasyong pangkooperasyon, mapalawak ang mga larangang pangkooperasyon at mapalakas ang pragmatikong pagtutulungan. Aniya pa, nagpupursige rin ang dalawang bansa para masamantala ang diyalogo para mabawasan ang di-pag-uunawaan at makontrol ang pagkakaiba.
Idinagdag pa ni Russel na sa gaganaping diyalogo, mag-uusap din ang dalawang panig hinggil sa gagawing unang dalaw-pang-estado sa Amerika ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina. Salin: Jade