|
||||||||
|
||
WASHINGTON D.C.—Nilagdaan kahapon (local time) ng Tsina at Amerika ang Balangkas na Dokumento hinggil sa Mekanismo ng Pagpapalitan, Pagtutulungan at Diyalogo ng mga Hukbong Panlupa ng dalawang bansa.
Batay sa nabanggit na dokumento, ibayo pang pasusulungin ng mga hukbo ng Tsina at Amerika ang pagtutulungan sa paghahanap at pagliligtas sa kapahamakan, humanitarian relief, misyong pamayapa ng United Nations (UN), at iba pa.
Batay rin sa dokumento, binabalak ng dalawang hukbo na magsagawa ng magkasanib na pagsasanay-militar sa susunod na taon.
Sa ngalan ng panig Tsino, tumayong-saksi sa seremonya ng paglalagda si Fan Changlong, dumadalaw na Pangalawang Tagapangulo ng Sentral na Komsiyong Militar ng Tsina.
Sina Fan Changlong at Ashton Carter
Sa magkakahiwalay na okasyon sa kanyang biyahe sa Amerika mula ika-8 hanggang ika-12 ng buwang ito, nakipagtagpo si Fan sa mga opisyal Amerikano na kinabibilangan nina Ashton Carter, Kalihim ng Tanggulang-bansa, Susan Rice, Tagapayo sa Pambansang Seguridad at iba pa. Iminungkahi ni Fan na itatag ng Tsina at Amerika ang bagong uri ng ugnayang militar na nagtatampok sa pagtitiwalaan, pagtutulungan, pagkakawala ng alitan, at pagiging sustenable.
Kaugnay ng konstruksyon ng Tsina sa mga isla at batuhan sa South China Sea, ipinagdiinan ni Fan na ito ay nasa ilalim ng teritoryo at soberanya ng Tsina. Hindi aniya ito nakakaapekto sa kaligtasan at kalayaan sa nabigasyon ng ibang bansa. Inulit din niya ang paninindigan ng panig Tsino na lutasin ang isyung pandagat sa pagitan ng dalawang may direktang kinalamang bansa. Hinimok din niya ang Amerika na itigil ang pagmamanman sa teritoryo ng Tsina sa South China Sea para matiyak ang kapayapaan ng rehiyon.
Salin: Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |