|
||||||||
|
||
NAGKAKAISA ang mga panauhin sa katatapos na Tapatan sa Aristocrat na kailangang pag-ibayuhin ng pamahalaan ang tulong sa sektor ng pagsasaka kung nais ng lideratong paunlarin ang kanayunan at maging mga lungsod.
Sinabi ni Sonny Africa, ang executive director ng IBON Foundation na kahit pa may inilaang P 64 bilyon para sa Conditional Cash Transfer, hindi uunlad ang bansa dahilan sa pagbabawas ng nakalaang salapi para sa mga Kagarawan ng Pagsasaka at Kagawaran ng Repormang Agraryo.
Ang pinakamahalaga sa pamahalaan ay aminin ang hindi pagwawagi sa paglaban sa kahirapan kahit pa bilyon na ang ginamit sa pamamagitan ng CCT.
Hindi kailanman magkakaroon ng "trickle down effect" ayon na rin sa pangulo ng International Monetary Fund na si Christian Lagarde.
Tumanggi si Dr. Albert na walang nagagawa ang pamahalaan sapagkat nakita naman ang kabawasan sa school dropouts at sa pagdagdag ng mga mag-aaral sa mababa at mataas na paaralan. Niliwanag din niya na tanging pamantayan ng Department of Social Welfare and Development ang pagtatapos ng programa sa oras na sumapit na sa 18 taong gulang ang mga benepisyaryo, kahit pa na sa junio o senior high school na ang mga mag-aaral.
Ikinalungkot naman ni dating Agriculture Secretary William Dar na hindi sineryoso ng pamahalaan ang pagtulong sa sektor na kinabibilangan ng pinakamaraming mahihirap na tao sa kanayunan, ang mga magsasaka.
Para kay Dr. Santiago Obien, dating administrador ng Philippine Rice Research Institute, kailangang gamitin ng mga magsasaka sa tulong ng pamahalaan ang makabagong teknolohiya sa pagtatanim ng palay sapagkat sa paggamit halimbawa ng hybrid rice, daang toneladang palay sa bawat ektarya ang maasahan sa mga palayan tulad ng na nagaganap sa Nueva Ecija.
Inamin naman ni Dr. Jose Ramon Albert, ang senior research fellow ng Philippine Institute for Development Studies, na mahalaga ang mindset ng mga magsasaka upang magtagumpay ang anumang palatuntunan ng pamahalaan.
Kahit pa anong palatuntunan ng pamahalaang magpapabalik sa mga magsasaka at ibang maralitang tagalungsod sa kanilang mga lupang tinubuan, hindi sila maglalakbay pabalik kung walang katiyakan ang kasapatan ng pagkain, maging sa bigas o mais, pagkakaroon ng sapat na pagkakakitaan, kasapatan ng kanilang pangangailangan at katiyakan sa harap ng nagbabagong klima.
Para kay Fr. Anton Cecilio T. Pascual, ang executive director ng Caritas Manila, kailangang magkaroon ng pagbabagong panglipunan upang makatugon ng maayos ang pamahalaan sa mga suliranin ng bayan. Bagaman, sinabi ni Dr. Albert na sa huling bahagi ng problema, ang pribadong sektor ang siyang mamumuno sa kaunlaran sapagkat sila ang magkakaloob ng trabaho sa taongbayan.
Binanggit din ni Fr. Pascual na maraming nararapat gawin ang pamahalaan upang i-angat ang mahihirap tulad ng pagkakaroon ng sapat na pagtingin sa pamilihan, sa mga pasilidad, sa kakayahan ng mga manggagawang-bukid at pagkakaroon ng kaukulang salapi bilang kapital.
Iginiit ni Secretary Dar na kailangang kilalanin ng pamahalaan ang mga magsasaka bilang kabalikat sa kaunlaran. May papel din ang agham upang higit ma maging produktibo ang mga sakayan. Kailangan ng bansa ang matatag na sektor ng pagsasaka kasabay ng pagkakaroon ng market-oriented agriculture upang madagdagan ang kita ng mga magsasaka sa kanayunan.
Nagkasundo ang mga panauhing magkaroon ng long-term development program ang pamahalaan sa halip na medium-term development programs lamang. Nangangamba umano ang bawat pangulo na baka ibasura ng susunod na administrasyon ang gagawing long-term development plan.
Sa tingin ni Dr. Obien, aabot sa 60% ang nagawa sa larangan ng ekonomiya ng pamahalaan sa nakalipas na limang taon. Sinabi naman ni Secretary Dar na naniniwala siyang may 65% naman ang nagawa ng pamahalaan sa economic programs.
KAILANGANG AMININ NG PAMAHALAAN ANG PAGKUKULANG. Ito ang sinabi ni G. Sonny Africa mula sa IBON Foundation, isa sa mga naging panauhin sa "Tapatan sa Aristocrat" sa paksang "Urban at Rural Poverty." naroon din si dating Agriculture Secretary William Dar (kaliwa) na nagsabing kailangang tustusan ang sektor ng pagsasaka sapagkat nasa sektor ng pagsasaka ang pinakamahirap sa Pilipinas. Dumalo rin si Dr. Jose Ramon Albert (kanan), senior research fellow ng Phil. Institute for Development Studies na nabawasan ang bilang ng mahihirap at nadagdagan ang pumapasok sa paaralan dahil sa Conditional Cash Transfer. Dumalo rin si Dr. Santiago Obien dating pinuno ng PhilRice at Fr. Anton C. T. Pascual ng Caritas Manila. (Melo M. Acuna)
Para kay Sonny Africa ng IBON Foundation, aabot sa 33% ang paniwala sa nagawa ng pamahalaan sa nakalipas na limang taon. Tumangging magbigay ng rating si Dr. Albert subalit sinabi niyang maraming kanais-nais na gagawin ang pamahalaan
Naunang lumabas sa iba't ibang pagsusuri na nadagdagan pa ng kaunti ang bilang ng mahihirap sa bansa sapagkat noong nakalipas na taon, tinatayang aabot sa may 20.0% ng mga pamilya ang maituturing na mahihira[ na kinabibilangan ng 25.8%.
Pamantayan ng kahirapan ang tinaguriang Multidimensional Poverty Index na itinataguyod ng Oxford Poverty and Human Development Initiative. Sa kanilang pagsusuring inilabas ngayong Hunyo ng 2015, sinukat nila ang bilang ng mga mag-aaral na nanatili sa kanilang mga paaralan, ang bilang ng mga araw na kanilang ginugol sa paaralan, ang bilang ng mga sanggol na nasasawi, ang kalagayan ng kanilang nutrisyon.
Sinusukat din nila ang pagkakaroon ng kuryente sa kanilang tahanan, kalinisan sa kapaligiran, tubig na malinis at maiinom, uri ng sahig ng kanilang tahanan, ginagamit na panggatong sa kanilang pagluluto at kung mayroon silang naiimpok.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |