Ipinahayag kahapon sa Singapore ni Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina na ang multilateral forum ay hindi dapat maging lugar para sa pagtalakay, lalo na hinggil sa alitan ng teritoryo. Ito aniya'y hindi makakatulong sa paglutas ng mga problema.
Sinabi ni Wang na binalangkas na ng Tsina at ASEAN ang dalawang direksyon para malutas ang isyu ng South China Sea, na kinabibilangan ng paglutas sa alitan batay sa mapayapang talastasan ng mga direktang may kinalamang bansa at magkasamang pangangalaga ng Tsina at ASEAN sa katatagan ng karagatang ito, at pagtatatag ng mga magkasanib na mekanismo, na kinabibilangan ng high level meeting para ipatupad ang Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea(DOC) at negosasyon para balangkasin ang Code of Conduct in the South China Sea(COC). Aniya, ito ay nagsisilbing mabisa at pragmatikong paraan para maayos na malutas ang nasabing mga isyu, batay sa paggagalangan, pagkakapantay-pantay, at pagpapalawak ng komong palagay.
Tinukoy ni Wang na dahil sa lubos na pagpapahalaga ng mga may-kinalamang panig sa isyu ng South China Sea, bukod sa nasabing mga mekanismo, positibo rin ang Tsina sa ibang konstruktibong talakayan hinggil dito, para maayos na lutasin ang mga ito.