Nakipag-usap kahapon sa Singapore si Punong Ministro Lee Hsien Loong ng Singapore sa dumadalaw na Ministrong Panlabas ng Tsina na si Wang Yi.
Sa pag-uusap, ipinahayag ni Wang Yi ang pagbati sa nalalapit na ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng estado ng Singapore. Aniya, nitong 50 taong nakalipas, gumaganap ang Singapore ng mahalagang papel sa arenang panrehiyon at pandaigdig, batay sa sariling special geographical position. Aniya, magiging tagapamagitang bansa ang Singapore para sa pagtutulungan ng Tsina at ASEAN, at ito ay magbibigay ng bagong pagkakataon para sa pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa. Dagdag pa ni Wang, sa nalalapit na ika-25 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa, nakahanda ang Tsina na magsikap, kasama ng Singapore para ibayo pang pahigpitin ang kanilang pagtutulungang may mutuwal na kapakinabangan.
Ipinahayag naman ni Lee Hsien Loong na mabunga at mabisa ang kooperasyon ng Tsina at Singapore sa mga suliraning bilateral at panrehiyon. Umaasa aniya siyang magkasamang magsisikap ang Tsina at Singapore para ibayo pang pasulungin ang mainam na bilateral na relasyon at pahigpitin ang pragmatikong pagtutulungan ng dalawang bansa sa ibat-ibang larangan.