Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Ministrong Panlabas na Tsino, kinondena ang di-totoong pananalita hinggil sa isyu ng South China Sea

(GMT+08:00) 2015-08-07 09:37:27       CRI

KUALA LUMPUR, Malaysia--Bilang tugon sa pagpuna ni Kalihim Albert del Rosario ng Pilipinas sa mga patakaran ng Tsina sa isyu ng South China Sea (SCS) at pagsuporta rito ng ministrong panlabas ng Hapon sa serye ng pulong ng mga ministro ng Silangang Asya, inulit ni Wang Yi, kalahok na Ministrong Panlabas ng Tsina ang paninindigan ng panig Tsino hinggil sa isyung ito.

Kalayaan sa paglalayag at paglipad

Sinabi ni Wang na sa kabuuan, nananatiling matatag ang kalagayan sa SCS, at walang posibilidad na maganap ang malaking alitan. Ipinagdiinan niyang tutol na tutol ang Tsina sa anumang di-konstruktibong pananalita na nagpapatindi ng pagkakaiba at komprontasyon.

Ipinahayag din ni Wang na tulad ng mga may kinalamang bansa, pinahahalagahan ng Tsina ang kalayaan sa paglalayag sa SCS, dahil karamihan ng mga kargamento ng Tsina ay kailangang dumaan sa karagatang ito. Aniya pa, hanggang sa kasalukuyan, walang kasong nakaapekto sa kalayaan ng paglalayag sa SCS. Nakahanda aniya ang Tsina, kasama ang iba pang may kinalamang bansa para patuloy na pangalagaan ang kalayaan sa paglalayag at paglipad sa karagatang ito.

Soberanya sa mga isla at reef

Kaugnay ng soberanya sa mga isla at reef sa SCS, sinabi ng ministrong panlabas na Tsino na dalawang libo (2,000) taon na nang matuklasan at pangalanan ng Tsina ang mga isla ng karagatang ito. Pitumpung (70) taon ang nakalipas, nang magtapos ang World War II (WWII), ayon sa Cairo Declaration at Potsdam Proclamation, ibinalik ng Hapon sa Tsina ang mga isla na sinakop nito sa Nansha at Xisha Islands. Dahil dito, napanumbalik ng Tsina ang soberanya sa nasabing mga isla. Idinagdag pa niyang kaugnay ng katotohanang pangkasaysayang ito, kailangang basahin ito sa mga archive ng Pilipinas at Hapon. Noong 1970s nang iulat na may langis at natural na gas sa SCS, nagsimulang sakupin ng ilang bansa na nasa paligid ng SCS ang mga reef at isla ng Tsina.

Soberanya ng Huangyan Island

Sinabi ng kalihim ng ugnayang panlabas ng Pilipinas na teritoryo ng Pilipinas ang Huangyan Island, pero, ayon sa

Treaty of Paris (1898), Treaty of Washington (1900) at Convention between the United States and Great Britain (1930), ang limit sa kanluran ng teritoryo ng Pilipinas ay 118degrees east longitude. Batay rito, ang Huangyan Island at Nansha Islands ay hindi teritoryo ng Pilipinas dahil matatagpuan ang mga ito sa kanluran ng 118 degrees east longitude.

Ren'ai Reef

Ang Ren'ai Reef ay bahagi ng Nansha Islands. Noong 1999, pinasadsad ng Pilipinas ang isang lumang bapor pandigma nito sa nasabing reef, sa pangangatwiran ng kahirapang teknikal.

Ipinangako rin ng Pilipinas sa Tsina na hindi ito magiging unang bansa na lalabag sa Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC).

Pero, noong Marso, 2014, ipinahayag ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas na ang layunin ng pagsadsad ng bapor na pandigma ay sakupin ang Ren'ai Reef: ibig sabihin, 15 taong nagsinungaling ang pamahalaang Pilipino o hindi nito nasunod ang pangako nito.

Pagtugon sa pananalita ng Hapon hinggil sa SCS

Kaugnay ng pananalita ng kinatawang Hapones na ang lahat ng mga islang artipisyal ay hindi makakalikha ng legal na karapatan sa pag-aari, sinabi ni Wang na ang pananalita ng Hapon ay taliwas sa ginawa nito. Idinagdag ni Wang na 10 bilyong yen (mga 80 milyong U.S. dollars) ang inibuhos ng Hapon sa pagtatatag ng atoll na Okinotori sa isang de facto island, at pagkatapos, ini-claim nito sa United Nations ang Exclusive Economic Zone (EEZ).

Hindi tinanggap ng karamihan sa mga miyembro ng UN ang proposal ng Hapon.

Ipinagdiinan ni Wang na di-tulad ng Hapon, mayroong karapatan sa pag-aari sa SCS ang Tsina, sapul noong 2,000 taon ang nakaraan. Kaya, hindi kailangang palakasin ng Tsina ang pag-aaring ito, sa pamamagitan ng reclamation.

Arbitration vs bilateral na diyalogo

Bilang tugon sa arbitration request ng panig Pilipino, sinabi ni Wang na unang una, ang paglutas sa mga alitan sa pamamagitan ng direktang pagsasanggunian sa pagitan ng mga may kinalamang panig ay iminungkahi ng Karta ng UN, at ito rin ay komong pandaigdig na praktis. Higit sa lahat mababasa rin ito sa DOC, unang dokumentong pulitikal na nilagdaan ng Tsina at ASEAN hinggil sa isyu ng SCS. Dahil dito, hiniling ng Tsina sa Pilipinas na magsagawa ng bilateral na pagtatalakayan. Ito pa rin aang balidong paraan, ani Wang. Pero, tinanggihan ng pamahalaang Pilipino ang kahilingan ng Tsina.

Kaugnay ng proceeding ng pagsisimula ng pandaigdig na arbitrasyon, sinabi ni Wang na ayon sa normal na praktis, kailangang magkasundo muna ang mga may kinalamang bansa. Pero, hindi nagpaalam ang Pilipinas sa Tsina kaugnay ng desisyong ito, at hindi rin ito humingi ng pagsang-ayon ng Tsina. Inulit ni Wang na noon pa mang 2006, ayon sa seksyong 298 ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), nagpalabas na ang Tsina ng pahayag na hindi ito tatanggap ng arbitrasyon. Ito aniya ay lehitimong karapatan ng Tsina, batay sa UNCLOS.

Sinabi ni Wang na ang unilateral na pagharap ng pamahalaang Pilipino ng arbitrasyon ay labag sa DOC at pangako nito sa Tsina na bilateral na lutasin ang isyu, sa pagitan ng dalawang bansa.

Ipinagdiinan ni Wang na nananatili pa ring bukas ang pinto ng Tsina sa pakikipagdiyalogo sa Pilipinas. Naniniwala aniya siyang kung maaaring umupo at mag-usap ang dalawang bansa, mahahanap nila ang kalutasan.

Kalutasan sa isyu ng SCS

Ipinahayag ni Wang na sinang-ayunan na ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang mga hakbang para malutas ang isyung ito at pangalagaan ang katatagan at kapayapaan ng karagatan.

Ipinaliwanag niyang kabilang sa nasabing mga hakbang ay ang dual-track approach, ibig sabihin, lulutasin ng mga direktang may-kinalamang bansa ang alitan sa pamamagitan ng mapayapang talastasan, at mababasa rin ito sa ika-4 na artikulo ng DOC; kasabay nito, magkasamang pangangalagaan ng Tsina at ASEAN ang kapayapaan at katatagan ng SCS. Naitatag din aniya ng Tsina at ASEAN ang mga mekanismo para sa pagtatalakayan hinggil sa isyu ng SCS. Kabilang dito ay ang Pulong ng mga Mataas na Opisyal para sa Pagpapatupad sa Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC) at Magkasanib na Working Group sa Pagsasanggunian sa Code of Conduct (COC). Aniya, masasabing mabunga ang pagsasanggunian hinggil sa COC dahil dalawang dokumento ng komong palagay ang narating sa pagitan ng Tsina at ASEAN, at pumapasok na ngayon ang pagsasanggunian sa yugto ng pagtatalakay hinggil sa mahahalalaga at komplikadong isyu. Para rito, sinang-ayunan ng dalawang panig na itatag ang dalawang hotline. Bukod dito, iminungkahi rin aniya ng Tsina na itatag ang mga preventive measures bilang tugon sa mga potensyal na panganib sa karagatan.

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>