Nang kapanayamin kamakailan hinggil sa gagawing dalaw-pang-estado ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Singapore, nagpahayag ng pag-asa ang mga opisyal ng dalawang bansa na ibayo pang pasusulungin ng pagdalaw na ito ang kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng Tsina at Singapore.
Ayon kay Zheng Chao, Puno ng Tanggapan sa mga Suliranin ng Kabuhayan at Komersyo ng Embahada ng Tsina sa Singapore, umabot sa 79.7 bilyong Dolyares ang halaga ng bilateral na kalakalan ng Tsina at Singapore noong 2014, at noong unang tatlong kuwarter ng taong ito, ang Singapore ay naging ikalawang pinakamalaking destinasyon ng direktang puhunang panlabas ng Tsina. Ang mga ito aniya ay patunay sa magandang kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng dalawang bansa.
Sinabi rin ni Zheng na buong lakas na kinakatigan ng Singapore ang "Silk Road Economic Belt" at "21st Century Maritime Silk Road" initiative ng Tsina. Sa ilalim aniya ng initiative na ito, inaasahang ibayo pang palalakasin ang kooperasyon ng Tsina at Singapore sa industriya ng serbisyo, pinansyo, abiyasyon, lohistika, at iba pa.
Ipinalalagay naman ni Teo Ser Luck, dating Minister of State sa Ministry of Trade and Industry ng Singapore, na sa kasalukuyang panahon ng pagbabago ng kabuhayan ng kapwa Singapore at Tsina, may pagkakataon para ibayo pang pasulungin ang bilateral na pamumuhunan ng dalawang bansa, at marami rin ang mga larangan para sa pamumuhunan, na gaya ng artificial intelligence, information technology, mga imprastruktura para sa abiyasyon at puwerto, at iba pa. Umaasa rin aniya siyang magtutulungan ang mga bahay-kalakal ng dalawang bansa sa pamumuhunan sa mga ibang bansa, para magkasamang idebelop ang pamilihan doon.
Salin: Liu Kai