|
||||||||
|
||
SA likod ng mga balita hinggil sa laglag-bala sa paliparang pandaigdig ng Ninoy Aquino, tuloy ang paghahanda ng Manila International Airport Authority para sa darating na Asia-Pacific Economic Community summit sa ikatlong linggo ng Nobyembre.
Ipinaliwanag ni General Honrado na tatlong alternatibo ang kanilang pinag-aaralan kung paano maiibsan ang problema ng mga maglalakbay sa pagsapit ng APEC summit meeting.
Sa darating na Huwebes idaraos ang ikalima sa anim na pagpupulong ng mga opisyal ng iba't kinatawan ng mga kumpanya ng eroplano at iba pang stakeholders. May tatlong posibilidad na magagawa sa pagsapit ng APEC summit meeting. Magiging abala ang paliparan sa ika-16 hanggang ika-17 ng Nobyembre sa pagdating ng mga panauhin at mula ika-19 hanggang ika-20 ng Nobyembre sa kanilang paglisan.
Una ay ang pagkansela ng lahat ng biyahe samantalang may pagpupulong na nagaganap sa Metro Manila. Kanselado na ang mga paglalakbay ng KLM, Philippine Air Lines at Cebu Pacific. Nabalita na rin umano ang pakikiisa ng Air Asia. Pangalawa ang pagpapabalam ng paglipad at paglapag ng mga eroplano at ang pangat ang pagpapalipad at pagpapalapag ng ma eroplano sa mga kalapit na paliparan.
Ipinaliwanag ni General Honrado na kung mababalam ang mga paglalakbay, bukod sa mga kumpanya ng eroplano ang apektado, apektado rin ang mga pasahero na matatagalan sa paliparan.
Kung magkakaroon ng diversion tulad ng sa Clark International Airport, mangangailangan ng espesyal na sasakyan para sa may 300 katao sa bawat flight mula sa Angeles City hanggang sa Metro Manila. Mabuti na lamang kung pawang handcarried luggages ang dadalhin ng mga pasahero. Hindi niya umano nakikita na pababayaan na lamang ang mga pasahero at kanilang mga bagahe sa tabing-daan.
Tiniyak niyang magiging kaaya-aya ang paglalakbay ng may 7,000 mga delegado sa darating na APEC summit leaders' meeting. Obligasyon ng MIAA na salubungin, tiyaking ligtas ang paliparan at matulungang makaalis ang mga panauhin sa darating na ilang linggo.
Sinabi ni retired General Jose Angel Honrado, ang general manager ng MIAA, na matagal na nilang sinuri kung nabalitang laglag-bala saang bahagi ng pagpasok ng mga kargamento nagkakaroon ng pagpupuslit ng bala. Mahigpit na ipinagbabawal ng batas sa Pilipinas ang pagkakaroon ng bala at pampasabog.
Ipinaliwanag niyang sinuri na nila ang sistema mula sa pagpasok ng isang pasaherong naglalagay ng kanyang kargamento sa x-ray machine. Sa pagdaan nito sa x-ray machine, makikita kung mayroong kaduda-dudang laman ang maleta o bag o kahon.
Sa oras na may makitang kakaiba ang screener, tinatawagan ng pansin ang may bagahe at ipinakikita ang imahen ng ipinagbabawal na kargamento sa loob ng bag. Dadalhin sa inspection table at mismong ang may-ari ng bagahe ang hihilingang buksan ang bagahe.
Pag nabuksan na ang kargamento at natagpuan ang bala o anumang ipinagbabawal na kargamento, dito tatawagan ng pansin ang tauhan ng Philippine National Police.
Ilang beses na umano niyang inanyayahan ang mga taga-media upang masdan ang kalakaran at mabatid kung saan mayroong pagkukulang.
Wala na sa kanilang hurisdiksyon ang Office of Transport Security mula pa noong 2004 o 2006 sa desisyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo matapos itong ilipat sa Department of Transportation and Communications.
Ayon kay General Honrado, gawain ng OTS ang pagtatalaga ng mga x-ray screeners sa mga paliparan. Inalis na rin ang mga pulis na kasama hanggang 2012 sapagkat sa sumapat na ang kanilang mga tauhan sa paliparan. Tumanggi siyang magbigay ng pahayag kung saan na nakarating ang pagsisiyasat sapagkat ginagawa ng ng DoTC ang kanilang imbestigasyon.
Kahapon ay nanawagan na rin si Bishop Ruperto Santos ng Balanga na siya ring chairman ng Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People sa pamahalaan na siyasatin ang laglag-bala incidents sa paliparang pandaigdig ng Ninoy Aquino.
Ayon kay Dario Mortera na isang manggagawang patungong Saudi Arabia na wala siyang anumang problema sa pagpasok sa paliparan sapagkat malinis ang kanyang konsensyang wala siyang dalang bala.
Kapuna-puna sa mga check-in luggages ng mga Pilipinong palabas ng bansa ang pagbabalot ng masking tape at plastic wraps.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |