|
||||||||
|
||
MGA napapanahong isyu ang pag-uusapan sa nalalapit na Asia-Pacific Economic Leaders Summit mula sa ika-13 hanggang ika-21 ng Nobyembre 2015 sa Maynila.
Ito ang sinabi ni Trade and Industry Secretary Gregory Domingo na makakabilang sa pag-uusapan ang climate change at disaster response. Sa isang public forum sa Luneta Hotel, sinabi ni Secretary Domingo na ang mga paksang ito ang idadagdag sa mga napag-usapan at nakamtan sa mga nakalipas na pagpupulong.
Ipinaliwanag pa ni Secretary Domingo na ang kanyang kagawaran ay nakatuon sa larangan ng ekonomiya ng APEC at sa magiging epekto nito sa mga bansang kasapi.
Nagkaroon na ng tatlong pagtitipong pinangasiwaan ng kanyang departamento tulad ng naganap sa Boracay na dinaluhan ng mga trade minister ng APEC economies. Sa pagpupulong na ito nabuo ang Boracay Action Plan. Nasundan ito ng pagpupulong na pinamagatang APEC Women and the Economy at ang pangatlo ay ang Small and Medium Enterprises Ministerial Meeting.
Samantala, sinabi ni Ambassador Marciano A. Paynor, Jr., Director General ng APEC 2015 National Organizing Council, umabot ng halos tatlong taon ang paghahanda sa pagtitipong magtatapos sa loob ng susunod na 19 na araw. Obligasyon ng kanyang tanggapan na tiyaking ang lahat ng mga nakatakdang maganap ay 'di magkakaroon ng anumang aberya. Pinaghandaan na ang may 25 major meetings ng magsimula silang maghanda sa nakalipas na dalawang taon.
Mayroon ding 44 na cluster meetings at nakatapos na sila ng 35. Mayroon na lamang siyam na nalalabi at ang pinakahuli ay ang pagkikita ng mga lider ng iba't ibang bansa na kinatatampukan ni US President Barack Obama, Chinese leader Xi Jinping, Japanese Prime Minister Shinzo Abe at iba.
Sa paghahandang ginagawa ng iba't ibang kumite, magkakaroon ng traffic rerouting sa iba't ibang bahagi ng Metro Manila. Walang pasok ang mga paaralan sa National Capital Region at may posibilidad na magdeklarang walang trabaho sa mga tanggapan maliban sa mga sangkot sa makasaysayang pagtitipon.
Unang idinaos ang APEC Leaders' Summit Meeting sa Subic Bay Metropolitan Area sa Zambales noong 1996 kung saan naging punong-abala ang Pilipinas.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |