Nag-usap ngayong araw sa Hanoi, Biyetnam, sina Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), at Nguyen Phu Trọng, Pangkalahatang Kalihim ng Partido Komunista ng Biyetnam (CPV). Sumang-ayon sila sa pagpapasulong ng malusog at matatag na pag-unlad ng komprehensibong estratehikong partnership ng Tsina at Biyetnam.
Sa kanilang pag-usap, ipinahayag ni Xi ang pagsuporta ng panig Tsino sa usaping sosyalista ng Biyetnam. Iniharap din ni Xi ang mga mungkahi hinggil sa pagpapahigpit ng relasyon ng Tsina at Biyetnam, at relasyon ng CPC at CPV. Ilan sa mga ito ay gaya ng pagpapahigpit ng pagtitiwalaang pulitikal, pagpapalalim ng pagpapalagayan sa pagitan ng CPC at CPV, pagpapasulong ng mga aktuwal na kooperasyon sa estratehiya, seguridad, militar, kultura, pinansiya, pamumuhunan, imprastruktura, at mga isyung pandagat at pandaigdig.
Ipinahayag naman ni Nguyen Phu Trong na ang pagpapahigpit ng mga kooperasyon ng dalawang panig ay angkop sa komong kapakanan ng dalawang bansa, at kapayapaan at kaunlaran ng rehiyong ito.
Sinabi niyang pinahahalagahan ng CPV, pamahalaan at mga mamamayan ng Biyetnam ang relasyon ng Tsina at Biyetnam. Sang-ayon aniya siya sa mga mungkahi ni Xi. Aniya pa, nakahanda ang Biyetnam na pasulungin ang bilateral na relasyon ng dalawang panig, mga aktuwal na kooperasyon at maayos na paghawak at pagkontrol ng mga hidwaan sa pagitan ng dalawang panig.
Pagkatapos ng pag-uusap, magkasamang dumalo ang dalawang lider sa seremonya ng paglagda ng Tsina at Biyetnam sa mga dokumento hinggil sa kooperasyon ng dalawang partido, transportasyon, turismo, kultura, daambakal, kakayahan ng pagpoprodyus, enerhiya, pinansiya, at pamahalaang lokal.