|
||||||||
|
||
Bumigkas ngayong araw ng talumpati si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa National University of Singapore. Ipinahayag niyang palagiang itinuturing ng Tsina ang mga kapitbansa bilang priyoridad sa diplomasya.
Sinabi ni Xi na ang ASEAN Community na itatatag sa katapusan ng taong ito ay magiging kauna-unahang subrehiyonal na komunidad sa Asya. Nakahanda aniya ang Tsina, kasama ng ASEAN, na paunlarin ang kanilang pagkakaibigan at pagtutulungan. Ipinahayag din niya ang buong tatag na pagkatig ng Tsina sa pag-unlad ng ASEAN at namumunong papel ng organisasyong ito sa kooperasyong panrehiyon sa Silangang Asya.
Tinukoy ni Xi na lubos na pinahahalagahan ng mga mamamayang Tsino ang kapayapaan. Aniya, ang paggigiit sa mapayapang pag-unlad at nagsasariling mapayapang patakarang panlabas ay estratehikong pagpili at solemnang pangako ng Tsina.
Sinabi rin ni Xi na ang pagtamo ng Tsina ng mabilis na pag-unlad ay salamat sa tulong at pagkatig ng mga kapitbansa, at nakahanda rin ang Tsina na ibahagi sa mga kapitbansa ang bunga ng pag-unlad nito. Para rito aniya, iniharap ng Tsina ang mga hakbangin ng pag-uugnay ng sariling pag-unlad at pag-unlad ng mga kapitbansa, na gaya ng "Silk Road Economic Belt at 21st Century Maritime Silk Road" initiative. Ipinahayag ni Xi ang mainit na pagtanggap sa paglahok ng mga kapitbansa sa ganitong mga kooperasyon, para isakatuparan ang komong pag-unlad.
Kaugnay naman ng isyu ng South China Sea, binigyang-diin ni Xi na mapayapa ang pangkalahatang kalagayan sa karagatang ito, at walang problema sa malayang paglalayag o paglilipad. Aniya, may lubos na kakayahan at pananalig ang Tsina, na pangalagaan, kasama ng mga bansang ASEAN, ang kapayapaan at katatagan ng South China Sea.
Bilang panapos, sinariwa rin ni Xi ang pag-unlad ng relasyong Sino-Singaporean. Umaasa aniya siyang ipagpapatuloy ng mga kabataan ng dalawang bansa ang pagkakaibigan at pagtutulungan, para walang humpay na pasulungin ang relasyong Sino-Singaporean.
Salin: Liu Kai
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |