|
||||||||
|
||
IKINATUWA ng Pamahalaan ng Pilipinas ang pahayag mula sa Tsina na dadalo sa APEC 2015 Summit si Pangulong Xi Jinping sa susunod na Linggo. Lumabas ang balita kaninang umaga.
PAGDALO NI PANGULONG XI JINPING, IKINATUWA NG PAMAHALAANG PILIPINO. Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na pagkakataon itong maipadama ng Pilipinas ang init ng pagtanggap sa kanya at sa mga panauhing dadalo sa APEC, tulad ng naganap noong nakalipas na taon sa Beijing. Subalit, sinabi rin ni Atty. Valte na mahirap mapantayan ang ginawang pagsalubong at paghahanda ng Tsina sa nakalipas na APEC noong 2014. Nakapanayam ng CRI at Kong Kong Satellite TV si Atty. Valte kanina sa International Press Center na pasisinasayaan sa Huwebes. (Melo M. Acuna)
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na isang magandang pagkakataon ang pagdalo ni Pangulong Xi sa APEC upang maipadama naman ng Pilipinas ang init ng pagtanggap tulad ng ginawang pagtanggap kay Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa natapos na APEC sa Beijing noong nakalipas na taon.
Samantala, sinabi ni Undersecretary Valte na iba't ibang disenyo ang mga barong Pilipino na isusuot nina Pangulong Barack Obama at Xi Jinping at iba pang mga pinuno ng mga bansang kabilang sa APEC.
Sa panayam sa World Trade Center, sinabi ni Atty. Valte na noon pang nakalipas na taon pinag-isipan ng fashion designer na si Paul Cabral ang ipasusuot na Barong Pilipino at bestida para sa mga panauhin.
BARONG PILIPINO HANDA NA. Ipinaliliwanag ni G. Paul Cabral, ang napiling gumawa at magdisenyo ng isusuot nina Pangulong Barack Obama, Xi Jinping at Prime Minister Shinzo Abe at iba pang APEC leaders, na gawa sa pina na may halong sutla ang gagamitin para sa makasaysayang pagtitipon. May bestida rin para sa mga Pangulo ng South Korea at Chile. Ang disenyo ay mula sa kultura ng bawat bansa, paliwanag pa ni G. Cabral. (Malacanang Photos)
Magkakaiba ang disenyo ng mga damit na isusuot ng mga panauhin sapagkat nagmumula ito sa mga simbolo at kultural ng iba't ibang bansang kabilang sa APEC. Gawa sa pina ang Barong Pilipino subalit nilagyan ito ng sutla upang higit na tumagal at magamit ng mga pinuno ng iba't ibang bansa sa mga susunod na pagkakataon.
PRESS CENTER, INIHAHANDA NA. Ito ang isang larawang kuha sa World Trade Center na siyang gagawing International Press Center para sa APEC 2015. Inaasahang magkakaroon ng 2,000 hanggang 4,000 mga mamamahayag mula sa buyong daigdig na mag-aabang ng mga magaganap sa pagtitipon. (Melo M. Acuna)
Sa international press center, magkakaroon ng libu-libong mga mamamahayag na gagamit ng mga pasilidad dahil inilagay ito sa World Trade Center, isang exhibition area sa Lungsod ng Pasay. Hanggang kanina ay umaasa si Undersecretary Valte na magkakaroon ng mula 2,000 hanggang 4,000 mga mamamahayag mula sa iba't ibang bansa ang mag-aabang ng mga magaganap sa darating na APEC 2015.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |