|
||||||||
|
||
CHINESE FOREIGN MINISTER WANG, DUMALAW SA PILIPINAS. Sinalubong ni Foreign Affairs Secretary Albert F. Del Rosario (kanan) si Chinese Foreign Minister Wang Yi (kaliwa) kaninang umaga sa kanyang pagdalaw sa Department of Foreign Affairs. Dumalaw si G. Wang sa paanyaya ni G. del Rosario. (DFA-PISU Photo)
LUMAGDA SA GUESTBOOK NG DFA SI MINISTER WANG. Bilang tradisyon ng mga panauhin, lumalagda sila sa guestbook ng Department of Foreign Affairs. Makikita sa larawan si Minister Wang na lumalagda samantalang nagmamasid si Kalihim del Rosario. (DFA-PISU Photo)
NAG-USAP ANG MAGKABILANG PANIG. Makikita sa larawan si Minister Wang Yi (pang-apat mula sa kaliwa) samantalang katabi si Ambassador Zhao Jianhua sa pagpululong ng mga Tsino at mga Filipino sa Department of Foreign Affairs. Ito ang unang pagdalaw ng isang mataas na opisyal ng Tsina sa Pilipinas sa nakalipas na apat na taon. (DFA-PISU Photo)
PANIG NG PILIPINAS, PINAMUNUAN NI KALIHIM DEL ROSARIO. SI Foreign Affairs Secretary Albert F. del Rosario ika-apat mula sa kaliwa) ang panig ng Pilipinas sa pakikipag-usap kay Minister Wang at mga kasama sa Department of Foreign Affairs kanina. Sa isang ambush interview kay Secretary del Rosario matapos ang kanilang pulong, sinabi niyang maganda ang kanilang pag-uusap na tumagal ng isang oras. (DFA-PISU Photo)
SINALUBONG ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III si Chinese Foreign Minister Wang Yi sa kanyang pagdalaw sa Malacanang kaninang ika-labing isa't kalahati ng umaga.
Sinamahan si G. Wang ni Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua.
Nasa isang araw na working visit si Minister Wang sa paanyaya ni Foreign Affairs Secretary Albert F. del Rosario. Kasama sa mga sumalubong kay Minister Wang sina Foreign Affairs Secretary del Rosario, Trade and Industry Secretary Gregory Domingo, Finance Secretary Cesar Purisima, Local Government Secretary Mel Senen Sarmiento at Presidential Spokesperson Edwin Lacierda.
Samantala, dumating kaninang ika-walo't kalahati ng umaga sa Department of Foreign Affairs si Minister Wang at sinalubong ni Foreign Secretary del Rosario.
Lumagda sa guestbook ang panauhin bago tumuloy sa tanggapan ni G. del Rosario sa ika-14 na palapag ng gusali. Tumagal ang kanilang pag-uusap ng isang oras.
Kaninang ikatlo ng hapon, sinabi ni Asst. Secretary Charles Jose, tagapagsalita ng Department of Foreign Affairs na natuon ang talakayan sa darating na APEC Economic Leaders' Week sa susunod na mga araw.
Layunin ni Minister Wang na matiyak na magiging maayos, ligtas at matagumpay ang pagdalaw ni Pangulong Xi Jinping.
Sinabi naman ni Kalihim del Rosario, ani G. Jose, na pagkakataon na itong masuklian ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang mainit na pagtanggap sa kanya sa Beijing noong nakalipas na taon sa APEC.
Nagkasundo rin ang magkabilang panig na ituloy ang foreign ministry consultations upang higit na uminit ang relasyon sa pagitan ng dalawang bansa. Ang foreign ministry consultations ay nasa antas ng mga vice minister o cabinet undersecretary ng Tsina at ng Pilipinas.
Hindi pag-uusapan ang hinggil sa iba pang isyu sapagkat hindi ito angkop sa APEC na pawang ekonomiya at kalakal lamang ang mga paksa.
Magkasama sina Minister Wang at Secretary del Rosario sa kanilang pananghalian sa Manila Diamond Hotel.
| ||||
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |