IDADAOS ang Concluding Seniors Officials' Meeting na siyang magpapasimula ng serye ng mga magaganap sa APEC sa susunod na linggo. Ito ang magiging paghahanda para sa APEC Ministerial meeting, APEC CEO Summit, APEC Business Advisory Council Dialogue with leaders at sa 23rd APEC Economic Leaders Meeting na magaganap ng hapos sabay-sabay sa Lunes hanggang sa Huwebes ng susunod na linggo.
Pamumunuan ito ni Department of Foreign Affairs Undersecretary Laura Q. Del Rosario na namuno na sa unang tatlong senior officials meeting noong Pebrero, Mayo at Setyembre. Ang senior officials ang tatalakay sa trade at economic initiatives sa ilalim ng APEC 2015 theme na "Building Inclusive Economies, Building a Better World."
Sa isang pahayag, sinabi ni Undersecretary del Rosario na iuulat ang mga nagawa para sa Asia-Pacific region at ng Pilipinas. Sa pamumuno ng Pilipinas ngayong 2015, nabuo ang mga talakayan upang maliwanag ang relasyon sa pagitan ng kalakal at kaunlaran. Magkakaroon ng regional framework na nakatuon sa pagkakaisa ng lipunan, institution-building, at environmental impact tulad ng key accountability na masusukat kung nagkaroon nga ng kaunlaran sa larangan ng ekonomiya.
Malaki ang paniniwala ng Pilipinas sa APEC bilang daan tungo sa kaunlaran at pagbabago sa larangan ng kalakal sa bawat bansa. Masusing pinaghandaan ang mga paraan sa APEC na ang sandiga'y kabutihan ng mga mamamayan. Ang APEC ay higit pa sa kalakal at macroeconomic policies sapagkat pinagtutuunan din ng pansin ang kalusugan, uri ng edukasyon, skills training, pagkakaroon ng mobility access ng Medium at Small Scale Enterprises sa capital at paghahanda para sa anumang trahedya o kalamidad.
Ang dalawang araw na pulong ay susundan ng APEC Ministerial Meeting (Joint Foreign Affairs and Trade) sa ika-16 at ika-17 ng Nobyembre. Halos kalahati ng Gross Domestic Product ng daigdig ay mula sa APEC economies samantalang mayroon din itong 47% ng pandaigdigang kalakal.