|
||||||||
|
||
KAILANGANG magkaroon ng pagbabago sa mga pandaigdigang kalakaran upang tunay na umunlad ang mga maliliit na mamamayan.
Ito ang isa sa binigyang-diin ni Jack Ma, Chairman ng Alibaba sa kanyang talumpati sa APEC Chief Executive Officers' Summit sa Makati Shangri-La Hotel.
Idinagdag niya na may mga kinatawan ang nangungunang may 500 kumpanya sa daigdig at nais niyang mas maraming mga maliliit na kumpanya ang makadadalo sa susunod na sampu hanggang 20 taon. Mas maganda aniyang makita ang paglago ng mga maliliit na kumpanya kaya't kailangang suriin ang kasalukuyang nilalaman ng World Trade Organization sapagkat tanging mayayamang bansa at kumpanya lamang ang nakinabang sa biyayang napapaloob sa pandaigdigang samahan.
Isang malaking hamon kung paano magagamit ang technology at innovation upang makinabang ang maliliit na kumpanya, dagdag pa ni G. Ma.
Karanasan sa Davos
Noong unang anyayahan siya sa Davos, Switzerland, nagulat siya sapagkat maraming nambabato at nagtitipon laban sa globalization. Unang pinaniwalaan niya na maganda ang free trade at globalization at kanyang napagtanto na hindi nakinabang ang mga maliliit at umuunlad na bansa sa kalakarang ito.
Kailangang magkaroon ng Electronic World Trade Organization upang makinabang ang mga maliliit na mangangalakal at makipagsabayan sa malalaking kumpanyang mula sa APEC economies.
Ang kalakal ay bahagi ng kultura, passion, innovation at creation. Nararapat lamang mabatid ng lahat na anuman ang iyong laki sa kalakal, ito ay bahagi ng karapatan at hindi nararapat gamiting sandata laban kanino man.
Nararapat lamang suportahan ng World Trade Organization ang maliliit na bansa sapagkat kung hindi, tiyak na magkakaroon ito ng mapaminsalang kahihinatnan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |