|
||||||||
|
||
HANDA ANG PULISYA AT PAMAHALAAN SA SEGURIDAD. Niliwanag ni Chief Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng Philippine National Police na bagama't dinagdagan ang 18,000 kataong pulis ng National Capital Region mula sa iba't ibang bahagi ng Luzon, hindi magkakaroon ng pagkukulang sa kanilang mga tauhan. Nasuri na nila ang pangangailangan sa darating na APEC Leaders' Summit. Pinangangambahan nila ang mga demonstrador at hindi ang mga terorista. (Melo M. Acuna)
MAY paghahanda ang Philippine National Police at ang iba pang mga sangay ng pamahalaan sa larangan ng seguridad sa pagdaraos ng APEC 2015 Leaders Week. Ito ang sinabi ni Chief Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng Philippine National Police sa isang media briefing sa International Media Center kaninang hapon.
Ani G. Mayor, dinagdagan ng PNP ng may 18,000 pulis sa National Capital Region. Kinuha ang mga tauhan sa iba't ibang bahagi ng Luzon. Subalit sinabi rin ni G. Mayor na hindi magkakaroon ng pagkukulang sa mga tauhan sa iba't ibang rehiyon sapagkat matagal nang pinaghandaan ng kanilang sektor ang seguridad ng APEC.
Sa katanungan kung ano ang pinakamatinding banta sa seguridad sa APEC Leaders Week, sinabi ni General Mayor na ang kanilang kinababahala ay ang mga demonstrador na magmumula sa iba't ibang bahagi ng Metro Manila at mga kalapit pook.
Tumanggi siyang magbigay ng pahayag hinggil sa posibilidad na maganap sa Kamaynilaan ang naganap sa Pransya noong Sabado ng umaga, oras sa Pilipinas. Magugunitang higit sa 120 katao ang nasawi sa mga pananalakay na ginawa ng mga nagpapakilalang kabilang sa Islamic State,
Niliwanag din niyang walang anumang pahintulot na ibinigay ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa anumang grupo na nais magsagawa ng mga demonstrasyon. Kahit pa kinikilala ng pamahalaan ang karapatang magpahayag, mas makabubuting gawin na lamang ito sa "freedom parks" upang 'di makasagabal sa paggalaw at paglalakbay ng mga panauhin.
Sinabi pa ni G. Mayor na ang sinumang lalabag sa batas ay darakpin at pananagutin sa kanilang ginawa ayon sa batas.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |