|
||||||||
|
||
DALAWA sa malalaking kumpanya ng eroplano sa bansa, ang Philippine Air Lines at Cebu Pacific ay nawalan ng higit sa P 1 bilyon dahil sa pagkansela ng mga biyahe patungo sa iba't ibang bahagi ng bansa at daigdig sa pagdaraos ng APEC summit.
Sa kabilang dako, ang Airline Operators Council na may mga kasaping lumalabas ng bansa sa pamamagitan ng Ninoy Aquino International Airport ang nagsabing maaaring umabot sa US$ 2 bilyon ang mawawala dahil sa pagkansela ng mga biyahe.
Mayroong isang airline source na tumangging magpakilala ang nagsabing pinakaapektado ang mga budget airlines.
Ang malalaking kumpanya ay saklaw ng insurance subalit ang low cost carriers ang pinakaapektado sa pagkansela ng biyahe at hindi nila kaagad mabibigyan ng booking ang mga pasahero at hindi nila kayang patirahin sa mga hotel ang kanilang kliyente.
Naiulat na nagpahayag ang tagapagsalita ng Philippine Air Lines na umabot sa US$ 18.7 milyon ang kumpanya sanhi ng flight cancelations. Mayroon silang 260 biyahe sa bawat araw at aabot sa 700 biyahe ang nakansela sa dalawa't kalahating araw ng operasyon. Makikita naman umano ang pangmatagalang epekto ng APEC sa ekonomiya sa mga susunod na panahon.
Isang tagapagsalita ng Cebu Pacific ang nagsabing umaasa silang mawawalan ng P 400 milyon sa pagkansela ng mga biyahe. Nakansela nila ang 857 one-way flights o 75% ng kanilang mga biyahe mula noong Lunes hanggang sa Biyernes, ika-16 hanggang ika-20 ng Nobyembre. Nakansela nila ang 755 one-way flights na umabot sa 660 one-way domestic, 95 one-way international samantalang ang kanilang subsidiary ay nagkansela ng 102 one-way domestic flights.
Kanselado rin ang 74 na domestic at 10 international flights ng Air Asia Philippines.
Sinabi naman ni Avelino Zapanta ng Seair International na tinataya niyang 1,346 na kanseladong biyahe na mayroong karaniwang P 5,000 pamasahe para sa A320 aircraft, aabot ang pagkalugi sa P1.3 bilyon. Kung isasama ang mga kumpanya ng eroplanong banyaga, aabot sa US$ 2 bilyon o P 94 bilyon ang nawala sa domestic at international flights.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |