MAIIBSAN na ang hinagpis ng mga mamamayan ng Metro Manila at mga kalapit-pook matapos buksan ng Metro Manila Development Authority ang mga isinarang mga lansangan mula noong nakalipas na Lunes (ika-16 ng Nobyembre) ng madaling araw.
Sinabi ng Metro Manila Development Authority na binuksan na nila ang mga lansangang ito kaninang bago sumapit ang ikatlo ng hapon.
Ang mga pagsasarang ito ang naging dahilan ng napakahabang traffic at matagal na paglalakbay ng mga mamamayan sa kainitan ng mga pagpupulong ng mga delegado sa APEC 2015. Kinailangang maglakad ang karamihan ng mga pasahero upang makarating sa kanilang trabaho at ibang patutunguhan.
Nabuksan na ang Roxas Boulevard, EdSA-Ayala sa Makati hanggang EdSA Extension sa Pasay, sa Macapagal Avenue mula ASEANA hanggang Buendia Exetnsion, EdSA – Magallanes Interchange at Metro Manila Skyway sa Sales hanggang Magallanes Exit.