|
||||||||
|
||
NANINIWALA si G. Guillermo "Bill" Luz, ang chief operating officer ng APEC 2015 Summit na makatwiran ang naging gastos na halos P 10 bilyon para sa pangangasiwa at pagiging punong-abala ng katatapos na pagtitipon ng mga pinuno ng iba't ibang ekonomiya.
Sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat, sinabi ni G. Luz na makatwiran lamang na maging punong-abala ang Pilipinas sapagkat matutuon ang pansin ng daigdig sa Pilipinas.
Ipinaliwanag ni Gobernador Jose Sarte Salceda ng Albay na hamak na mas malaki ang ginastos ng Tsina sa kanilang pagiging punong-abala noong nakalipas na 2014 sa Beijing. Ayon sa gobernador, kahit malaki pa ang foreign direct investments sa Tsina, kinailangan pa nilang gumastos na malaking halaga upang ipakita ang pagpapahalaga sa samahan ng iba't ibang ekonomiya.
Sa panig ni Political Science Professor Richard Heyadarian, marapat lamang na hindi pinag-usapan ang isyu ng South China Sea sa katatapos na APEC sapagkat ito ang pangako ng Pilipinas. Naging mabuting hosts ang Pilipinas sa bagay na ito.
Sa kabilang dako, sinabi naman ni G. Sonny Africa ng IBON Foundation na hindi na kailangan pang gumastos ng malaki para sa mga pag-uusap na naganap sa Maynila sapagkat ang mga paksang tulad ng mas malawak na pagpasok ng micro-small-medium enterprises ay matagal nang batid ng iba't ibang ekonomiya.
Bukod sa pagsang-ayon ni Ka Paeng Mariano, chairman ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, idinagdag niyang tiyak na kakainin ng malalaking kumpanya ang micro-smell at medium enterprises sapagkat walang panglaban ang mga ito sa impluwensya at lakas ng mga korporasyong matagal nang naghahari sa ekonomiya ng iba't ibang bansa.
APEC 2015 PAKIKINABANGAN DIN NG PILIPINAS. Ipinaliwanag ni Albay Governor Jose Sarte Salceda (pangatlo mula sa kaliwa) na sa matagalang panahon ay makikinabang ang Pilipinas sa nakalipas na APEC 2015 Manila Summit. Sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat, sinabi nina Gov. Salceda, Mr. Bill Luz, CEO ng APEC 2015 Manila Summit, at Prof. Richard Heydarian ng mahalaga ito sa pagpapakilala sa daigdig ng bansa. (Contributed Photo/EG)
MASAYANG TALAKAYAN ANG NAGANAP. Kakaiba ang mga naging pananaw ng mga panauhin sa katatapos na public affairs forum sa The Aristocrat kaninang usage. May nagsabing maganda ang epekto ng APEC 2015 samantalang may nagsabing mas napakinabangan sana ang salapi kung inilaan sa mga pagawaing bayan at suporta sa mga magsasaka. (Contributed Photo/EG)
Sinabi ni Commodore Rex Robles na tila nalimutan ng pamahalaan ang kalabayan ng mga naglalakad sa tollways at mga lansangan dahil sa matinding traffic na nagawa ng APEC 2015 Manila Summit.
Sa isang pananaw sa larangan ng logistics, sinabi ni Commodore Robles na mas maganda sana kung nakapaglaan ng may 50 mga bus na nagdala ng mga pasahero sa Baclaran mula sa Cavite at nakapaglagay ng 50 portable toilets sa tollway na nasabayan ng 50 mga mesang may nakalaang tubig na maiinom para sa mga naglalakad. Sa ganitong paraan, tiyak na naibsan ang hirap at sama ng loob ng mga mamamayan.
Nanindigan si Governor Salceda ng Albay na tiyak na makikinabang ang Pilipinas sa naganap an APEC 2015 Summit sapagkat napansing-muli ang bansa ang iba't ibang ekonomiya na may mga kinatawan sa natapos na CEO Summit.
Ayon kay G. Luz, masayang pangyayari ang pagdating ng 1,300 mga chief executive officers ng iba't ibang kumpanya sapagkat inaasahan lamang nila ang pagkakaroon ng may 800 mga kinatawan. Karamihan umano sa mga dumating na CEO ng iba't ibang bansa at "first-time visitors" na ngayon lamang nakabatid na maganda ang kalakaran at kalakal sa Pilipinas.
May mga mangangalakal umanong hindi na kinikilala at pinapansin ang Pilipinas subalit sa pagiging punong-abala ng bansa sa pagtitipon, sumiglang muli ang pagsusulong ng bansa ng ibayong kalakal.
Ipinaliwanag pa ni G. Luz na magandang pagkakataon din ang inilaan ng CEO Summit kay Pangulong Xi Jinping ng Tsina na nanawagang isulong ang "connectivity" upang higit na umunlad ang rehiyon. Naging mainit ang pagtanggap ng mga mangangalakal kay Pangulong Xi, dagdag pa ni G. Luz.
Kung ginastos na lamang ang halagang halos sampung bilyong piso sa patubig at inilaang kapital sa National Food Authority, mas marami umanong makikinabang, dagdag pa ni Ka Paeng Mariano.
Sumagot si G. Luz na nagsabing hindi na kailangan pang pigilan ang paggasta ng halagang ito para sa APEC sapagkat mayroon namang nakalaang salapi sa Kagawaran ng Pagsasaka at ang problema nga ay hindi maipaliwanag kung bakit hindi nagastos ng pamahalaan ang salaping unang inilaan.
Para kay Professor Heydarian, marapat lamang umanong magkaroon ng ibayong pagsisiyasat sa paraan ng paggasta ng halos sampung bilyong piso para sa APEC. Nagpaliwanag naman si G. Luz na halos tatlong taon ang naging paghahanda ng pamahalaan para sa APEC kaya't sa higit na 200 mga pagpupulong, malaki na rin ang nagasta ng pamahalaan. Idinadgag pa niyang hindi naman sa nakalipas na linggo lamang ginastos ang salapi.
Inihalimbawa ni Gobernador Salceda na matapos ang pagiging punong-abala ng Vietnam sa APEC ilang taon na ang nakalilipas, nadagdagan ang foreign direct investments sa bansa. Sa ganitong paraan makikinabang ang Pilipinas sa pagiging punong-abala sa nakalipas na APEC 2015 Manila Summit.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |