Tinawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Gng. Leni Robredo kagabi at inalok na pamunuan ang Housing and Urban Development Coordinating Council. Tinanggap ni Gng. Robredo ang alok at makakasama na siya sa darating na cabinet meeting sa Lunes, ika-11 ng Hulyo. (File Photo/VP Leni Robredo Media Bureau)
TAPOS na ang iba't ibang kwento tungkol sa opisyal na relasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte at ni Pangalawang Pangulong Ma. Leonor "Leni" Gerona Robredo. Naganap ito sa pagkakahirang ni Pangulong Duterte kay Gng. Robredo bilang Chairperson ng Housing and Urban Development Coordinating Council.
Sa isang nationwide telecast mula sa Rizal Hall ng Malacanang, tinawagan ni Pangulong Duterte si Gng. Robredo at pormal na inialok ang posisyon sa tila nagulat na pangalawang pangulo.
Sa kanilang pag-uusap sa telepono, sinabi ni G. Duterte na ibibigay na ng kanyang Executive Secretary na si Atty. Medialdea ang appointment papers ni Gng. Robredo.
Makabubuti na ito upang makadalo rin si Gng. Robredo sa cabinet meeting na nakatalaga sa darating na Lunes, ika-11 ng Hulyo. Makakasama pa sa briefing sa National Security Council si Vice President Robredo.