Pagkatapos ng kanilang regular na taunang pag-uusap, nagdaos ng magkasanib na preskon kahapon, Huwebes, June 1 2017, sa Berlin, Alemanya, sina Premyer Li Keqiang ng Tsina at Chancellor Angela Merkel ng Alemanya.
Sinabi ni Li, na matatag at hinog na ang relasyong Sino-Aleman. Aniya, ang Alemanya ay isa sa mga pinakamahalagang katuwang ng Tsina sa Unyong Europeo (EU), at noong isang taon, ang Tsina ay naging pinakamalaking trade partner ng Alemanya.
Ipinahayag din ni Li, na sumang-ayon ang dalawang bansa, na pabilisin ang talastasan hinggil sa kasunduan sa pamumuhunan sa pagitan ng Tsina at EU. Ito aniya ay positibong signal na ipinalabas ng Tsina at Alemanya, hinggil sa pangangalaga sa malayang kalakalan at pamumuhunan, at pagpapasulong ng globalisasyong pangkabuhayan.
Binigyan naman ng mataas na pagtasa ni Merkel ang mahalagang partnership at malawak na kooperasyon ng Alemanya at Tsina. Aniya, sa harap ng dumaraming elemento ng kawalang-katatagan sa daigdig, dapat palakasin ng dalawang bansa ang estratehikong partnership, at pahigpitin ang kooperasyon. Ipinahayag din niya ang kahandaan ng Alemanya, kasama ng Tsina, na makapag-ambag sa pagpapasulong ng bukas na kabuhayang pandaigdig, at pangangalaga sa malayang kalakalan.
Salin: Liu Kai