Aabot sa 1.173 bilyon ang bilang ng nanood ng 2019 CMG Spring Festival Gala mula sa loob at labas ng Tsina, sa pamamagitan ng iba't ibang media platform. Mas mataas ito ng 42 milyon kumpara sa taong 2018, na nakalikha ng bagong rekord.
Sa bisperas ng Chinese New Year, 239 na TV station sa loob ng Tsina at 218 overseas partner ang nag-ere ng gala sa mahigit 160 bansa at rehiyon. Kabilang dito, 527 milyong tao ang nanood ng gala gamit ang mga new media platform, na mas mataas ng halos 100 milyon kumpara sa taong 2018. Positibo ang 96.98% ng komento online ng mga manonood.
Ang 2019 Spring Festival Gala ay itinaguyod ng China Media Group (CMG). Ang panonood ng gala, kasabay ng pagsasalu-salo ng buong pamilya ay naging tradisyon ng mga mamamayang Tsino ng pagsalubong sa bagong taon ng Kalendaryong Tsino nitong mahigit tatlong dekada. Kabilang sa mahigit apat na oras na palabas ay mga awitin, sayaw, salamangha, akrobatiks, tradisyonal na opera, wu shu o sining ng pakikipaglaban, crosstalk, sketch, at iba pa.
Sa 2019 Spring Festival Gala, maraming bagong teknolohiya na gaya ng 4K at 5G, kasama ng virtual reality (VR), augmented reality (AR), at artificial intelligence (AI) ang ginamit para matugunan ang kahilingan at kagustuhan ng iba't ibang manonood sa pamamagitan ng iba't ibang plataporma.
Isang palabas sa 2019 Spring Festival Gala na pinagsama-sama ang Peking Opera, Yu Opera, Yue Opera, Huangmei Opera at Cantonese Opera.
Salin: Jade
Pulido: Mac