Ipinahayag Sabado, Marso 9, 2019 ni Li Jianhong, Kagawad ng Pulitikal na Konsultatibong Kapulungan ng mga Mamamayang Tsino (CPPCC) at Tagapangulo ng China Merchants Group, na nitong nakalipas na 40 taon sapul nang isagawa ng Tsina ang reporma at pagbubukas, napakalaking pagbabago ang naganap sa kapaligiran at kondisyon ng pag-unlad ng kabuhayang Tsino. Aniya, di-angkop sa pangangailangan ng reporma at pagbubukas sa bagong panahon ang umiiral na tatlong batas hinggil sa puhunang dayuhan, na kinabibilangan ng Batas sa Sino-Foreign Equity Joint Ventures, Batas sa mga Bahay-kalakal na May Puhunang Dayuhan, at Batas sa Chinese-Foreign Contractual Joint Ventures. Dagdag niya, sa ilalim ng ganitong background, ang pagsumite ng Panukalang Batas sa Pamumuhunang Dayuhan ng Tsina sa Pambansang Kongresong Bayan (NPC) ng Tsina para sa pagsusuri ay lubos na nagpapakita ng determinasyon at kompiyansa ng Tsina sa ibayo pang pagbubukas. Makakapagpasulong din ito sa modernisasyon ng sistema at kakayahan sa pangangasiwa at pagsasaayos ng bansa, aniya pa.
Winika ito ni Li nang kapanayamin ng mamamahayag ng China Media Group.
Ipinalalagay niyang dapat pag-ibayuhin ng Tsina ang pagpapasok ng puhunang dayuhan, samantalang pabilisin ang paglabas sa ibayong dagat.
Salin: Vera