Sinabi kahapon ni Peter Navarro, tagapayo sa kalakalan ng White House ng Amerika, na may "pitong kasalanan" ang Tsina. Dapat aniyang bigyang-wakas ng Tsina ang pitong kasalanang ito, saka lamang kakanselahin ng Amerika ang mga karagdagang taripa sa mga panindang Tsino.
Ang pahayag na ito ni Navarro ay isa pang aksyon ng Amerika na mag-imbento ng mga krimen ng Tsina. Kung titingnan ang naturang di-umanong "pitong kasalanan," may kinalaman ang mga ito sa pangangalaga sa IPR, paglilipat ng teknolohiya, pagbibigay ng subsidy sa mga bahay-kalakal na ari ng estado, pagkokontrol sa fentanyl bilang ilegal na droga, at iba pa. Pero sa katotohanan, ang ilan sa mga isyung ito ay hindi totoo, at ang ilan naman ay nilutas na o nilulutas ng Tsina. Kaya, ang pahayag na ito ng panig Amerikano ay gastado nang salita, taliwas sa katotohanan, walang batayan, at sinasadyang paninirang-puri sa Tsina.
Bakit inilabas ni Navarro ang naturang pahayag sa panahong ito? Ito ay para habiin ang pangangatwiran para sa pinakahuling plano ng panig Amerikano na patawan pa ng 10% karagdagang taripa ang 300 bilyong Dolyares na panindang Tsino. Dahil ang planong ito ay tinututulan hindi lamang ng panig Tsino, kundi rin sa loob ng Amerika.
Ang unilateral na pagpataw ng Amerika ng karagdagang taripa sa mga panindang Tsino ay isang pangunahing isyu sa alitang pangkalakalan ng dalawang bansa. Dapat kanselahin ng panig Amerikano ang lahat ng mga karagdagang taripang ito, at hindi dapat hanapin pa ang pangangatwiran para rito. Kung gusto ng Amerika na tunay na lutasin ang alitang pangkalakalan, dapat buong linaw nitong alamin ang hinggil dito.
Salin: Liu Kai