Sa panahon ng pagdaraos ngayon sa Shanghai ng ika-12 round ng mataas na pagsasanggunian ng Tsina at Amerika hinggil sa isyu ng kabuhayan at kalakalan, inilabas kahapon ng panig Amerikano ang mga negatibong signal na nagsasabing dahil sa patakaran ng taripa, gumawa ng konsesyon ang panig Tsino kung saan pinakinabangan ng kabuhayang Amerikano. At sinabi rin nitong, laging gusto ng Tsina, sa huling minuto, na susugan ang kasunduan para sa sariling kapakanan.
Ang pahayag na ito ay walang dudang isa pang aksyon ng panig Amerikano ng pagpataw ng presyur sa panig Tsino, para magkaroon ng mas malaking bentahe sa nabanggit na pagsasanggunian. Ipinakikita nito ang kawalang-katapatan ng panig Amerikano sa pagsasanggunian, at ito rin ay labag sa komong palagay na narating ng mga lider ng dalawang bansa sa kanilang pinakahuling pagtatagpo sa Osaka, Hapon.
Nitong mahigit isang taong nakalipas, isinagawa ng Tsina at Amerika ang 11 round ng pagsasanggunian at nagkaroon sila ng komong palagay hinggil sa karamihan sa mga nilalaman ng kasunduan. Pero, dahil sa taktika ng pagpataw ng labis na presyur, laging iniharap ng panig Amerikano ang mga kahilingang makakapinsala sa soberanya at dignidad ng Tsina, at humantong ito sa pagsuspendi ng pagsasanggunian ng dalawang panig. Sa kalagayang ito, sa pagtatagpo noong nagdaang Hunyo sa Osaka, Hapon, sinang-ayunan ng mga lider na Tsino at Amerikano, na panumbalikin ang pagsasanggunian batay sa pagkakapantay-pantay at paggagalangan, para bumalik sa landas ng paglutas sa mga isyu sa pamamagitan ng pagsasanggunian.
Sa kasalukuyang pagpapanumbalik ng pagsasanggunian, muling isinagawa ng panig Amerikano ang taktika ng pagpataw ng labis na presyur. Dapat mapagtanto ng panig Amerikano, na hindi madali ang pagbalik ng dalawang panig sa pagsasanggunian. Para matamo ang bunga, dapat ipatupad ang mga komong palagay ng pagtatagpo sa Osaka, igiit ang pagkakapantay-pantay at paggagalangan, at isaalang-alang ang makatwirang pagkabahala ng kapwa panig. Ang pagpataw ng labis na presyur ay makakapinsala lamang sa relasyong pangkooperasyon ng dalawang panig, at hahantong sa pagkawala ng kasalukuyang makasaysayang pagkakataon.
Salin: Liu Kai