Binuksan ngayong araw, Sabado, ika-21 ng Setyembre 2019, sa Nanning, punong lunsod ng Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi ng Tsina, ang Ika-16 na China-ASEAN Expo (CAExpo) at China-ASEAN Business and Investment Summit (CABIS).
Sa kanyang talumpati sa seremonya ng pagbubukas, sinabi ni Pangalawang Premyer Han Zheng ng Tsina, na nitong ilang taong nakalipas, malakas ang pagtitiwalaang estratehiko ng Tsina at ASEAN, mahigpit ang kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan, mainam ang pagpapalitan ng mga mamamayan, at pumasok ang relasyong Sino-ASEAN sa bagong yugto ng komprehensibong pag-unlad.
Iniharap din ni Han ang limang mungkahi para sa pagpapasulong ng estratehikong partnership ng Tsina at ASEAN, at pagtatatag ng mas mahigpit na komunidad ng pinagbabahaginang kinabuksan ng dalawang panig. Ayon sa kanya, ang mga mungkahing ito ay una, palalimin ang koordinasyon ng Belt and Road Initiative at Master Plan on ASEAN Connectivity 2025; ika-2, palakasin ang kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan, at pasulungin ang pagkakaroon ng Regional Comprehensive Economic Partnership; ika-3, magkakasamang itatag ang connectivity network sa lupa, dagat, at himpapawid, at palakasin ang kooperasyon sa mga imprastruktura ng daambakal, lansangan, at puwerto; ika-4, palalimin ang inobatibong kooperasyon sa mga aspekto ng e-commerce, digital trade, 5G network, smart city, at iba pa; at ika-5, palawakin ang kooperasyon sa edukasyon, siyensiya, teknolohiya, kultura, kalusugan, think tank, kabataan, palakasan, at iba pa.
Salin: Liu Kai