|
||||||||
|
||
Barkong Tsino, pinagmulta ng Bureau of Immigration
PINAPAGBAYAD ng Bureau of Immigration ng Pilipinas ang isang barkong Tsino ng higit sa P 1.2 milyon dahilan sa kawalan ng seaman's visa at impormasyong ibinigay sa tanggapan bago pumasok ng bansa noong Mayo.
Sinabi ni Commissioner Ricardo David, Jr. na pinatawan ng P 52,510 bawat isa sa 24 na magdaragat na Tsino na lulan ng MV Ming Yuan na napunang nasa baybay-dagat ng Malapascua Island sa hilagang Cebu.
Rehistrado sa Hong Kong ang barko na pinagmulta ng P 6,000 sa pagpasok sa Pilipinas noong Mayo 19 ng walang impormasyong ibinigay sa Bureau of Immigration. Ipinaliwanag ni G. David na pinagmulta ang may-ari ng barko sapagkat walang kaukulang visa ang mga magdaragat ng pumasok sa Pilipinas. Kailangang magkaroon ng seaman's visa ang lahat ng banyagang magdaragat mula sa port of origin.
Nararapat din silang mag-abiso sa Bureau of Immigration upang makagawa ng talaan ng mga kawaning sasakay sa barko at suriin ang mga dokumento ng mga sakay nito.
Nauna nang nagsagawa ng inspeksyon ang Bureau of Immigration, Philippine Coast Guard at Bureau of Customs kasama ang Bureau of Quarantine sa barko matapos magsumbong ang mga mangingisda at mga mamamayan sa Malapascua Island.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |