|
||||||||
|
||
melo/20130927.m4a
|
NANGANGAMBA ang mga dalubhasa sa Pamantasan ng Pilipinas at Western Mindanao State University sa Zamboanga sa nagaganap na krisis sa dating matahimik na pook. Sa isang public forum na idinados sa Pamantasan ng Pilipinas, sinabi ni Prof. Aileen Baviera na napapanahong pag-usapan ang mga isyung bumabalot sa mga nagangap sa Zamboanga.
Sa panig ni Prof. Eduardo Climaco Tadem, matagal na panahon ng kawalan ng kaunlaran sa Mindanao at sa mga kapuluang nasa katimugan ng bansa ang isa sa mga dahilan ng kaguluhang nagaganap ngayon. May pinag-uugatan ang lahat ng ito, dagdag pa ni G. Tadem, isang propesor na tubong Lungsod ng Zamboanga.
Wala umanong ipinagbago ang mga palatuntunan ng pamahalaan tungo sa Mindanao mula noong panahon ni Pangulong Ferdinand E. Marcos, Corazon C. Aquino, Fidel V. Ramos, Joseph Ejercito Estrada, Gloria Macapagal-Arroyo at kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III.
Malaki ang naiaambag ng Mindanao sa kaunlaran ng bansa sapagkat 41% ng vegetative cover at 56% ng Philippine commercial forest land ang nasa katimugang bahagi ng bansa. May 73% ng buong pambansang value added sa forestry sector ang mula sa Mindanao. Higit sa kalahati ng mga timber licenses na inilabas ng pamahalaan ay nasa Mindanao. Aabot din sa 90% ng buong produktong mula sa kagubatan ang nagmumula sa Mindanao.
Sa larangan ng pagsasaka, 43% ng buong agricultural output at 40% ng pambansang pangangailangan sa pagkain ang nagmumula sa Mindanao. Sa mga rehiyon sa Mindanao nagmumula ang 30% ng national food trade.
Mula sa karagatan ng Mindanao ang 32% ng pambansang ani sa pangisdaan at higit sa kalahati ng commercial fish catch ay mula sa Mindanao at Sulu.
May 60% ng copra at langis ng niyog ang mula sa Mindanao na kinalalagyan ng higit sa kalahati ng mga coconut oil mills. Sa Mindanao din nagmumula ang 100% ng mga produktong mula sa goma, 75% ng kape at 33% ng livestock products.
Sa mga minahan, may bahagi ang Mindanao na 25%. Ang pinakamalaking nickel reserves sa buong daigdig ay mula sa hilagang-silangan at katimugang Mindanao. Ginto at tingga ang namimina sa Agusan at Davao provinces. Ang pinakamalaki at modernong pabrika ng semento ay nasa Davao City.
Idinagdag pa ni Prof. Tadem na ang masaklap ay ang yamang mula sa Mindanao ay pinakikinabangan ng mas mauunlad ng rehiyon sa Kabisayaan at Luzon. Ang copra na mula sa Mindanao ang natutungo sa Kabisayaan at Luzon. Ang isda ay dinadala sa mga daungan ng Maynila at Iloilo. Ang malalaking korporasyon sa Mindanao ay may mga punong tanggapan sa Maynila na pinagbabayaran nila ng buwis kaya't walang kinikita ang mga pamahalaang lokal.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |