|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
Pilipinas at Estados Unidos, lumagda sa kasunduan
NAGKASUNDO ang Pilipinas at Estados Unidos sa pamamagitan ng Enhanced Defense Cooperation Agreement na nilagdaan nina Defense Secretary Voltaire Gazmin at US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg.
Halos wala pang 15 minuto ang itinagal ng seremonya sa Department of National Defense kaninang umaga, ilang oras bago ang takdang pagdating ni US President Barack Obama sa Ninoy Aquino International Airport.
Sa ilalim ng kasunduan,pumapayag ang Pilipinas na magkaroon ng mas malaking rotational presence ang mga kawal Americano sa bansa.
Hindi sumagot sa mga katanungan ng mga mamamahayag ang dalawang opisyal ng Pilipinas at Estados Unidos matapos magbigay ng kanilang mga pahayag.
Natapos ang kasunduan matapos ang walong ulit na paghaharap ng magkabilang-panig na sinimulan noong Agosto, 2013. Saklaw ng kasunduan ang pagbibigay-daan sag ma kawal Amerikano sa mga kampo ng military sa iba't ibang bahagi ng bansa, karapatang magtayo ng kanilang mga gusali at maglagay ng kanilang mga kagamitan, mga eroplano at mga sasakyang-dagat.
Ayon sa Kagawaran ng Ugnayang Panglabas, may buhay ang kasunduan ng sampung taon. Nilagdaan ito bilang isang executive agreement ayon sa Visiting Forces Agreement na ipinasa ng Senado noong 1999.
Idinagdag pa ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas, walang bilang ng mga kawal Amerikano ang isinaad sa kasunduan sapagkat depende ito sa laki at dalas ng mga mapapagkasunduang gawain ng magkabilang-panig. Magkakaroon ng regular na konsultasyon ang dalawang panig.
Ipinaliwanag ni Ambassador Lourdes Yparraguirerre, kasapi ng Philippine Panel na regular ang gagawing pag-uusap hinggil sa pagpapatupad ng kasunduan.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni US Ambassaor Goldberg na walang anumang base militar ang itatayo ng Estados Unidos sa Pilipinas. Idinagdag pa ng US ambassador na makatutulong ang kasunduan sa modernization program ng Pilipinas.
Kabilang sa mga paksa ang bilateral security relationship ng dalawang bansa at matugunan ang mga hamon ng panahon.
Sa panig ni Defense Secretary Voltaire Gazmin, sinabi niyang mahalaga ang kasunduan sapagkat bilang mga alyado ay magkakaroon ng mga kagamitan at pagawaing-bayan sa oras na magkaroon ng pagsasanay.
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |