|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
Manggagawa, napabayaan
MAY hinanakit ang mga manggagawa sa Pamahalaang Aquino sapagkat sa likod ng 7.2% growth rate sa Gross Domestic Product, hindi sumigla ang sektor ng paggawa.
Ito ang pahayag ni Kilusang Mayo Uno Chairman Elmer Labog sa kanyang pagharap sa Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga. Ayon mismo sa Philippine Institute of Development Studies (PIDS), maraming Filipino ang walang hanapbuhay samantalang mas maraming manggagawa ang contractuals at hindi napapasahod ng maayos.
Mayroong kakulangan sa pamahalaan upang mapasigla ang ekonomiya at tanging may impluwensya at mayayaman lamang ang nakikinabang. Suportado rin ni Atty. Jose "Sonny" Matula ng Federation of Free Workers ang pananaw na ito.
Aniya ang kakulangan ng buhay sa sektor ng pagsasaka ang sagka sa pagkakaroon ng mga industriya.
Samantala, sinabi ni Labor Communications Director Nicon Fameronag, ginagawa naman ng kanilang tanggapan ang lahat upang matugunan ang pangangailangan ng mga naghahanap ng trabaho. Bagaman, idinagdag din niya na marami pang nararapat gawin upang magkaroon ng masiglang hanapbuhay para sa mga mamamayan.
Niliwanag naman ni Dr. Rene Ofreneo ng University of the Philippines School of Labor and Industrial Relations (UP-SOLAIR), maraming mga manggagawa ang 'di ligtas at walang sapat na proteksyon samantalang ang mga casual employees ay patuloy na nadaragdagan.
Idinagdag pa ni Dean Ofreneo, "kung walang makataong hanapbuhay, walang makataong ekonomiya."
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |