|
||||||||
|
||
SPECIAL REPORT
Tacloban City, unti-unting nakakabalik sa normal
TACLOBAN CITY, UNTI-UNTI NG NAKAKABALIK SA NORMAL. Tiniyak ni Tacloban City Mayor Alfred Romualdez (kaliwa) na nakakabalik na sa normal ang buhay at kalakal sa kanyang lungsod matapos hagupitin ni "Yolanda" noong nakalipas na ika-walo ng Nobyembre. Marami pang nararapat gawin upang mapaunlad ang kalagayan ng kanyang mga kababayan. (Melo M. Acuna)
UNTI-UNTI ng nakakabalik sa dating kalagayan ang Tacloban City matapos ang halos isang taong nang hagupitin ng bagyong "Yolanda."
Ito ang sinabi ni Mayor Alfred Romualdez sa kanyang pagharap sa mga mamamahayag na kabilang sa Foreign Correspondents Association of the Philippines kanina.
Binanggit ni Mayor Romualdez na higit sa isang milyon katao ang nasa Tacloban City ng humagupit ang bagyo noong ika-walo ng Nobyembre taong 2013. Naganap ito kahit pa ang mga naninirahan sa lungsod ay aabot lamang sa 240,000 katao. May apat na unibersidad sa lungsod na katatagpuan ng 80% ng mga mag-aaral mula sa mga kalapit bayan at lalawigan. Umaabot naman sa 96% ng mga bangko sa Eastern Visayas ang nasa Tacloban City.
Ugali na rin ng mga taga-Leyte at Samar na magtungo sa Tacloban sa pagsapit ng bagyo at naninirahan sa mga hotel upang madaling makaalis sakay ng mga eroplano pagkatapos ng bagyo.
Ang pinakamalaking hamon para sa kanya at sa kanyang administrasyon ang pagtugon sa mga pangangailangan ng may 240,000 katao. Nararapat lamang magpakatatag upang matugunan ang mga pangangailangan matapos ang bagyo.
May pakikipagtulungan na ang kanyang pamahalaan sa Japan International Cooperation Agency upang pagbalik-aralan ang building code at ng umayon sa kanilang pangangailangan.
Inihalimbawa niya ang paglilipat ng emergency rooms sa iakalawang palapag ng mga pagamutan sa kanyang lungsod. Susuriin din nila ang magagawa upang maiwasan ang kaguluhan sa paghagupit ng trahedya at nais nilang maipagtanggol ang vital installations tulad ng mga bangko, pamilihan at iba pang mga bahay kalakal. Umabot mula P 2 hanggang 3 bilyon ang nawala sa ekonomiya dahilan sa looting.
Dapat ding dagdagan ang kanilang pulis sapagkat umabot lamang sa 290 katao ang kanilang police force at kung ibabahagi sa tatlong tigwa-walong oras na pagbabantay at pagpapatrolya, aabot lamang sa 100 katao ang mapakikinabangan.
Ani Mayor Romualdez na mayroong 70% ng mga bahay kalakal ang nagbukas ng muli tulad ng Robinson's Mall, Coca-Cola at SM. Normal na rin ang operasyon ng fast foods na Jollibee at McDonalds.
Mula sa 1,000 pamilyang nasa mga tolda, layunin nilang mabawasan ang mga ito at makarating na lamang sa 300 pamilya sa mga susunod na linggo.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |