|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
Pangatlong runway para sa NAIA, imposible

IKATLONG RUNWAY SA NAIA MAHIRAP MAGKATOTOO. Sinabi ni G. Avelino DL Zapanta, dating pangulo ng Phil. Air Lines na magastos gumawa ng ikatlong runway sa NAIA sapagkat mga subdibisyon na ang kukunan ng lupa. Si G. Zapanta ang pangulo at CEO ng SEAIR ngayon. (Melo M. Acuna)
MAHIRAP magkatotoo ang panukalang pangatlong runway para sa Ninoy Aquino International Airport Terminals 1, 2, 3, 4 at 5. Sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga, sinabi ni G. Avelino DL Zapanta, ang kinikilalang "Ama ng Aviation Industry" sa paggugol ng may 38 taon sa industriya, matagal nang rekomendasyon ang ikatlong runway subalit hindi ito magaganap sapagkat napakalaki ng salaping magagastos para sa pagbili ng mga ari-arian ng mga taga-subdibisyon na magkakahalaga ng bilyon-bilyong piso.
Ani G. Zapanta na dating pangulo ng Philippine Air Lines, hindi makabuluhang magtayo ng paliparan sa Talim Island sa gitna ng Laguna de Bay sapagkat sa lawang ito kumukuha ng tubig ang Metro Manila at mga lalawigan ng Rizal at Laguna. May nagmungkahing gawin ang bagong paliparan sa gitna ng lawa sa pamamagitan ng isang pulo nitong tinitirhan ng mga mamamayan. Matagal na umanong pinag-aralan ang patuloy na paglaki ng bilang ng mga naglalakbay patungo sa iba't ibang bahagi ng bansa at ng daigdig.
Ipinaliwanag pa ni G. Zapanta na noong mga dekada otsenta, partikular noong 1982, nangungunang paliparan ang NAIA 1 at maging ang cargo section nito. Napaglipasan na rin ng panahon ang terminal kaya't naunahan na ng mga kalapit bansa. May nakikitang dahilan si G. Zapanta kung bakit mas gusto ng pamahalaang gamitin ang dating Sangley Point bilang paliparan. Ito ay sapagkat maraming mga Caviteno ang makikinabang sa proyekto. Ito rin ang pinagmulang lalawigan ni Kalihim Joseph Emilio Aguinaldo Abaya.
Pinakamagandang alternatibo ang Clark International Airport para sa mga eroplanong magtutungo sa ibang bansa. Panatiliin na lamang ang NAIA bilang domestic hub samantalang ang Clark ang gagawing para sa mga eroplanong palabas ng bansa. Ngayon ay pawang budget airlines at ilang international companies ang gumagamit sa Clark International Airport.
Tatlong taon umanong inupuan ng dating kalihim ng Transportasyon at Komunikasyon ang kanilang mga rekomendasyon kaya't walang naganap na anumang pagbabago tungo sa pag-unlad ng aviation industry sa bansa.
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |