|
||||||||
|
||
Melo 20170714
|
Labanan sa Marawi, 'di matatapos bago sumapit ang ikalawang SONA ni Pangulong Duterte
INAMIN ng Armed Forces of the Philippines na hindi matatapos ang krisis sa Marawi bago sumapit ang ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ika-24 ng Hulyo.
Sinabi ni Brig. General Restituto Padilla na mangangailangan pa sila ng 10 hanggang 15 araw upang mabawi ang kontrol sa mga gusaling kinalalagyan ng mga Maute.
Mayroon pang nalalabing 600 gusali samantalang nalinis ng mga kawal ang mula 40 hanggang 50 gusali sa bawat araw.
Noong nakalipas na Miyerkoles, sinabi ni Pangulong Duterte na mangangailangan siya ng may 15 araw upang matapos ang krisis sa Marawi City. Hindi sumagot si General Padilla sa tanong kung irirekomenda ba nila ang pagpapahaba ng Martial Law sa Mindanao na magtatapos sa ika-22 ng buwang ito.
Tinatapos na ng Armed Forces of the Philippines ang kanilang mga rekomendasyon upang ibigay kay General Ano na magsusumite kay Defense Secretary Delfin Lorenzana. Si Secretary Lorenzana ang magbibigay ng kanilang rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Magugunitang si Secretary Lorenzana ang Martial Law administrator kaya't mahalaga ang kanyang rekomendasyon.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |