Ang sining ng pagluluto ng pagkaing Tsino ay nagtatamasa ng kanyang reputasyong pandaigdig. Ipinakikita ng estadistika na mayroong mahigit 10,000 uri ng lutuing Tsino. Sa loob ng mahabang panahong pag-unlad, ang iba't ibang lugar sa Tsina ay nagpaunlad din ng kani-kanilang walang-kapares na lutuin at sa mga ito, ang pinakakilala ay iyong tinatawag na "Eight Cuisines in China" na kinabibilangan ng Lutuing Shandong, Lutuing Sichuan, Lutuing Guangdong o Lutuing Cantonese, Lutuing Jiangsu, Lutuing Zhejiang, Lutuing Fujian, Lutuing Hunan at Lutuing Anhui. Iba't iba ang ipinagmamalaking lasa ng mga lutuing ito. Halimbawa, ang Lutuing Sichuan ay maanghang, ang Lutuing Jiangsu ay manamis-namis at ang Lutuing Cantonese naman ay katamtaman ang lasa. Ang dumpling ay mayroon nang mahigit isang libong taong kasaysayan. Ito ang isa sa mga paboritong pagkain ng mga Tsino. Binabalutan ang mga ito ng dumpling skins at pinalalamanan ng karne at gulay tapos pinakukuluan sa tubig. Ang dumplings ay maihahalintulad sa hugis-sapatos na ginto o pilak na ingots na ginagamit na pera noong araw, kaya ang mga Chinese ay nagluluto ng dumplings kung Spring Festival, na anila ay "nagpapahiwatig ng pagpasok ng pera at yaman."