Pagdiriwang ng Qingming Festival, inobserbahan

2023-04-07 15:41:04  CMG
Share with:


Nag-aalay ng bulaklak


Sa unang pagkakataon, binisita ko ang Babaoshan Cemetery, isang sementeryo sa Distrito ng Shijingshan, Lungsod Beijing upang obserbahan kung papaano ipinagdiriwang ng mga Tsino ang Qingming Festival.


Ang Qingming Festival o Tomb Sweeping Day na madalas na natatapat sa pagitan ng ika-4 hanggang ika-6 ng Abril ay isang napakamahalagang tradisyonal na pagdiriwang ng mga Tsino sa loob ng maraming siglo. Tuwing Qingming, binibigyang galang at ginugunita ng mga pamilyang Tsino ang kanilang mga ninuno at yumaong kamag-anak.


Mula sa pasukan ng Babaoshan Cemetery, bumungad sa akin ang mga volunteer na may dalang bulaklak ng daisy at binigyan ako ng isa ngunit, napaisip ako kung bakit ako ang binigyan at kanino ko ibibigay ang bulaklak. 


Sa pagpasok ko sa loob ng sementeryo, kinakabahan ako dahil hindi ko kabisado ang lugar at ano ang una kong pupuntahan. 


Nag-aalay ng dasal


Naglilinis ng puntod


Sa aking paglilibot, nakita ko na ang mga pamilyang Tsino ay nag-aalay ng mga bulaklak, pagkain at dasal, habang ang iba naman ay abalang-abala sa paglilinis ng mga puntod upang magbigay-galang sa kanilang mga yumaong kamag-anak.


Ito ay parehong-pareho sa tradisyonal na kaugalian ng mga Pilipino tuwing sasapit ang Araw ng mga Patay o mas kilala sa tawag na Undas sa unang araw ng Nobyembre.


Mga bumibisitang batang Tsino


Batay sa aking obserbasyon, parang kakaunti lamang ang mga bumibisitang Tsino at mabilis lang ang pagdalaw, tumatagal lamang ng isang oras o mas mababa pa, kumpara sa mga Pilipino na buong pamilya kung dumadalaw sa isang puntod at maghapon nagtatagal.  


Gayunpaman mukhang simple at tahimik ang tradisyonal na pagdiriwang ng Qingming sa siyudad, kung saan ang mga Tsino ay naglalagay na lamang ng mga bulaklak at pagkain at naglilinis ng puntod upang alalahanin ang kanilang yumaong kamag-anak. 


Nitong ilang taong nakalipas, upang mapangalagaan ang kapaligiran at dahil maraming Tsino ang abalang-abala sa trabaho, ang iba naman ay nag-aaral sa unibersidad at malayo sa kanilang family homes, mas nanaisin na lamang magsagawa ng online tomb-sweeping ceremony.


Iba't iba rin ang paggunita sa mga probinsya na gaya na lamang ng di kumakain ang mga Tsino sa kanilang pagbisita sa sementeryo, kumpara sa mga Pilipino, kabaliktaran nito, kumakain naman habang dumadalaw sa kanilang mga yumao. 


Artikulo/Larawan: Ramil Santos 

Patnugot sa teksto at website: Jade