Abril 11, 2023, lalawigang Hebei, gawing hilagang Tsina – Sa seremonyang idinaos sa Sunhola Gaobeidian Market, lunsod Baoding, inihayag ni Jaime A. FlorCruz, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, na ang pagdating ng unang pangkat ng Durian ng Pilipinas sa nasabing pamilihan ay isang milestone.
Aniya, ang realisasyon ng kaganapang ito ay nagsimula noong Oktubre 2018, nang isumite ng Pilipinas ang kahilingan para sa akses sa merkado ng Tsina.
Jaime A. FlorCruz, Embahador ng Pilipinas sa Tsina
Bagamat ang biyahe upang makamtan ang nasabing bunga ay naging mahaba at puno ng pagsubok, hindi aniya natinag sa pagpupunyagi ang Kagawaran ng Agrikultura ng Pilipinas, partikular, ang Bureau of Plant Industry, kasama ang mga magsasaka ng Durian upang mapagtagumpayan ang lahat ng hamon.
Dahil sa pagkakalagda ng “Protocol on the Export of Fresh Philippine Durian to China” sa panahon ng dalaw pang-estado sa Tsina ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. noong Enero, 2023, handa na ngayon ang Pilipinas upang ipatikim sa Tsina ang bersyon nito ng “Hari ng mga Prutas,” pagmamalaki ni FlorCruz.
Dagdag ng embahador, dumating sa lunsod Nanning, Rehiyong Awtonomo ng Zhuang ng Guangxi ang unang kargamento ng sariwang Durian mula sa Davao noong Abril 6, 2023, at ito’y may bigat na 18 tonelada.
“Ang mga ito ay narito na ngayon sa Baoding, handa na para sa distribusyon pagkatapos ng seremonyang ito,” aniya.
Sinabi pa niyang ilan pang tagapagluwas ng Pilipinas ang nagpadala na rin ng Durian noong nakaraang linggo, at sa nakalipas na limang araw (5), may kabuuang 63 metriko toneladang Durian ng Pilipinas ang nailuwas sa Tsina sa pamamagitan ng eroplano.
“Umaasa tayong mas malaki pang bolyum ang maidedeliber sa mga susunod pang linggo,” saad niya.
Dahil sa pagtahak ng bilateral na relasyong Pilipino-Sino sa positibong direksyon, ang Pilipinas ani FlorCruz ang siya na ngayong pinakamalaking pinagmumulan ng saging at pinya ng Tsina, samantalang ang Tsina naman ang ikalawang pinakamalaking merkado ng mga iniluluwas na produktong agrikultural ng Pilipinas.
Sa pagbubukas ng pinto ng Tsina sa mga Durian ng Pilipinas, inihayag ng embahador ang tuwa at pag-asang mas marami pang agrikultural na produktong Pilipino ang mailuluwas sa Tsina, kasabay ng lalo pang pagtibay ng kooperasyon sa hinaharap.
Ani FlorCruz, “nawa’y ang katangi-tanging halimuyak at lasa ng Durian ng Pilipinas ay mamukadkad, tulad ng mga bulaklak ng Tsina sa Tagsibol na bumibihag ng inyong pandama, at e-engganyo upang kayo’y humirit pa ng isang kagat.”
“Halina’t tumikim pa ng mas maraming Durian ng Pilipinas,” aya ng embahador sa lahat ng Tsino.
Ayon sa Embahada ng Pilipinas sa Beijing, ang mga Durian ay lumalapag sa lunsod Nanning.
Mula rito, idinideliber ang mga prutas sa iba’t-ibang lunsod ng Tsina, gaya ng Shanghai, Beijing, Dalian, Gaobeidian at Jiaxing sa pamamagitan ng mga cold chain truck.
Sa kabilang dako, sinimulan din, Abril 11, 2023 ng Import Fruit Market sa lunsod Jiaxing, lalawigang Zhejiang ng Tsina, ang pagbebenta ng mga sariwang Durian ng Pilipinas.
Pahayag ni Josel F. Ignacio, Konsul Heneral ng Pilipinas sa Shanghai, ang mga sariwang Durian ay tugon sa malaking pangangailangan ng merkadong Tsino, at ito rin ay mahalagang bunga ng kooperasyon ng Pilipinas at Tsina sa agrikultura.
Ang Pilipinas ang ikatlong bansa sa daigdig na maaaring magluwas ng sariwang Durian sa Tsina.
Ulat: Rhio Zablan
Patnugot: Jade
Larawan: Pasuguan ng Pilipinas sa Tsina
AgriCon Ana: Pagkakapareho ng mga magsasaka, magpapalakas ng ugnayang Pilipino-Sino
AgriCon Ana: Kooperasyong Pilipino-Sino sa agrikultura, laging buhay na buhay
Amb. Jimi: Pagkakaibang pandagat, dapat ma-manage gamit lahat ng diplomatic channels
Amb. Jimi: End goal na modernisasyon ng Pilipinas at Tsina, pareho