Sa eksklusibong panayam ng Serbisyo Filipino-China Media Group (SF-CMG), Mayo 10, 2023 sa Agriculture Counsellor ng Pilipinas sa Tsina na si Ana Abejuela, ibinahagi niya na ang kooperasyong Pilipino-Sino sa agrikultura ay laging buhay na buhay at nagkakaroon ng magandang hinaharap.
Puyat Durian market feedback, maganda
Sinimulang ibenta noong Abril sa merkadong Tsino ang mga sariwang durian ng Pilipinas, at ito ang unang pangkat na inangkat ng Tsina mula sa Pilipinas.
“As of end of April, mayroon tayong mga more than 200 tons na na-ship na sa China... The feedback doon sa mga dumating at natikman, masarap iyong Philippine durian,” saad ni AgriCon Ana.
Inilahad niyang maganda ang performance ng naturang trial shipment ng Philippine durian, at mahalagang hakbang ito para sa pagluluwas ng mas maraming Philippine durian sa Tsina, kapag sasapit ang main season ng durian sa Pilipinas na nagsisimula tuwing Agosto.
Kooperasyong Pilipino-Sino sa agrikultura, laging buhay na buhay
Sinabi ni Ana na, sa kabila ng pandemiya, nanatiling tuloy at maayos ang pag-export sa Tsina ng mga agricultural products ng Pilipinas.
“Kahit pandemiya o wala, mayroong trade nga between China and the Philippines sa agriculture and food, especially fresh fruits pa rin ang nangunguna. It’s always been alive. Buhay na buhay, that’s the term,” paliwanag ni Ana.
Pinananabikan din niya ang maaliwalas na kinabukasan ng kooperasyong Pilipino-Sino sa pagsasaka.
“Maganda iyong cooperation between China and Philippines sa agriculture. Magandang maganda iyong pananaw,” diin ni Ana.
Mga kasunduang napirmahan, mahalaga para sa kooperasyong Pilipino-Sino sa hinaharap
Noong dalaw-pang-estado sa Tsina ni Pangulong “Bongbong” Marcos Jr. ng Pilipinas noong Enero, ang agrikultura ay naging isa sa apat na key priority area ng kooperasyong Pilipino-Sino, para magkasamang isakatuparan ang modernisasyong agrikultural.
Kabilang sa 14 na pinirmahang kasunduang pangkooperasyon ng dalawang bansa ang Joint Action Plan on Agricultural and Fisheries Cooperation (2023 -2025) at The Handover Certificate of Sino-Philippine Center for Agricultural Technology-Technical Cooperation Program Phase Ⅲ (PhilSCAT-TCP Ⅲ ).
Hinggil dito, sinabi ni AgriCon Ana na upang matupad ang naturang Joint Action Plan, ang mga mataas na opisyal mula sa Ministry of Agriculture and Rural Affairs (MARA) ng Tsina ay bibisita sa Pilipinas sa darating na Hunyo. Pag-uusapan ng mga opisyal ng Kagawaran ng Agrikultura (DA) at MARA kung anong mga proyekto ang magagawa mula ngayong taon hanggang 2025. Bukod dito, mayroon ding mga delegasyon ng mamumuhunan at mangangalakal na Tsino na darating sa Pilipinas at magkakaroon ang dalawang bansa ng business forum sa agrikultura.
Diin ni Ana, ang pagpapalitan at pagtutulungang agrikultural ng Pilipinas at Tsina ay nakakatulong sa kaunlaran, modernisasyon at food security ng Pilipinas.
Pagpapalalim ng kooperasyong agrikultural ng ASEAN-China, magdudulot ng benepisyo sa Pilipinas
Samantala, nagkasundo din ang mga pangulo ng Pilipinas at Tsina na ibayo pang palakasin ang kooperasyon ng dalawang bansa sa ilalim ng balangkas ng ASEAN-China comprehensive strategic partnership.
Ang taong 2023 ay ASEAN-China Year of Agricultural Development and Food Security Cooperation.
Layon nitong ibayo pang pasulungin ang pagpapalitan at kooperasyong ASEAN-Sino, tungo sa magkasamang pagbibigay-ambag sa global governance of food and agriculture.
Ani AgriCon Ana, ang anumang kasunduan, programa, o partnership sa pagitan ng Tsina’t ASEAN ay nakakabenepisyo sa Pilipinas, kasi miyembro ang Pilipinas ng ASEAN.
Aniya, ang isang halimbawa ay ang ASEAN Plus Three Emergency Rice Reserve (APTERR).
Bilang isa sa mga pinaka-active na contributor sa APTERR, maraming beses na nagbigay ng donasyong bigas sa Pilipinas ang Tsina, saad ni Ana.
Tinukoy rin ni AgriCon Ana, noong Abril 25, ang senior undersecretary ng DA na si Domingo F. Panganiban ay lumahok sa pasinaya ng ASEAN-China Year of Agricultural Development and Food Security Cooperation.
Ipinakikita aniya nito ang walang patid na pagpapahalaga ng Pilipinas sa ASEAN-China cooperation.
Mga tanong: Kulas/Sissi/Jade
Panayam: Kulas
Ulat: Kulas
Pulido: Ramil/Jade
Patnugot sa website: Kulas
Cameramen: Kulas/Sissi/Liu Kai
Patnugot sa video: Kulas
Transcription sa panayam: Kulas
Espesyal na pasasalamat kina Gong Wanpeng at Cao Qi
AgriCon Ana: Kooperasyong Pilipino-Sino sa agrikultura, laging buhay na buhay
AgriCon Ana: Mga kasunduang napirmahan, mahalaga para sa kooperasyong Pilipino-Sino sa hinaharap
Durian ng Pilipinas, maaaring magsagawa ng clearance sa adwana ng Tsina
Taon ng Kooperasyon ng Tsina at ASEAN sa Agrikultural na Pag-unlad at Seguridad sa Pagkain, idinaos
Relasyong Pilipino-Sino, sa mata ni Embahador Jaime FlorCruz