SoReal Metaverse Park sa Beijing Shougang Park, Beijing, Tsina
Matatagpuan sa loob ng dating hurno ng bakal o blast furnace ng Capital Steel Factory – Shougang Company Ltd., sa distrito ng Shijingshan, Beijing, ang “SoReal Metaverse Park” ay isang 22,000 metro kuwadradong lugar kung saan idinaraos ang mga kompetisyon at palarong gumagamit ng mga modernong teknolohiyang tulad ng 5G+Extended Reality (XR).
SoReal Metaverse Park sa gabi
Mga larong gumagamit ng 5G+XR
Maliban diyan, ito rin ay isang bagong uri ng imprastruktura sa pambansang antas, na nagsusulong ng kultura’t turismo, palakasan at negosyo sa pamamagitan ng teknolohiya.
Ang metaverse ay isang terminong tumutukoy sa birtuwal na espasyo kung saan maaaring maglibang, maglaro, at mag-usap ang mga tao.
Ang nasabing hurno ay may malalim na marka sa kasaysayan ng Tsina at gumanap ng mahalagang papel sa industriyal at teknolohikal na pag-unlad ng bansa.
Simula noong 1949, dito nagmula ang napakaraming bakal na ginamit sa pagtatayo ng mga estruktura’t gusali ng modernong Tsina.
Pero, kasabay ng pag-usbong ng ideya ng sustenableng pamumuhay at maharmonyang pakikipamuhayan sa pagitan ng sangkatauhan at kalikasan, idinikomisyon ang nasabing hurno noong 2020 at inilipat ang buong pagawaan sa ibang lugar.
Magkagayunman, dahil sa papel na ginampanan nito sa pag-unlad ng Tsina, isinailalim ang hurno at buong lugar sa renobasyon at ginamit bilang isa sa mga pinagdausan ng Beijing 2022 Winter Olympic Games.
Ang buong lugar ay kilala na ngayon bilang Beijing Shougang Park.
Beijing 2022 Winter Olympic Games sa Shougang Park
Tanaw mula sa itaas sa isang bahagi ng Beijing Shougang Park
Makikita sa loob ng SoReal Metaverse Park ang mga imersibong teknolohiya para sa kultural na palabas, eksibisyon ng sining at teatro; espasyo para sa retail, pagkain, inumin, libangan, at serbisyo; laro’t palakasan gamit ang VR o VR esports, sona ng mga produkto para sa Winter Olympics; marami pang iba.
Ito ay isa nang kilalang historikal na pasyalan, lugar panlibangan, at lugar pang-negosyo sa lunsod Beijing, na pinasusulong ng modernong teknolohiya.
Ang mga sumusunod ay iba’t-ibang bagay, laro at teknolohiyang nasa loob ng SoReal Metaverse Park:
Ang didyital na ekonomiya ay tunguhin ng kasalukuyang daigdig, at ito’y isa sa mga makinang nagsusulong ng pag-unlad ng ating kabuhayan.
Kaugnay nito, hindi na lamang limitado sa pisikal na mundo ng pagkain, pananamit, tirahan, at paglalakbay ang hangarin at pangangailangan ng mga tao, ang birtuwal na espasyo ay isa na rin ngayong magandang alternatibo.
Artikulo: Rhio Zablan at Ramil Santos
Larawan: Zhao Ang, Beijing Shijingshan District Integrated Media Center
web editor: Lito