Beijing - Sa panayam, Nobyembre 15, 2023, sa China Media Group–Serbisyo Filipino (CMG–SF), sinabi ni Dr. Erwin Balane, Tourism Attache ng Philippine Department of Tourism–Beijing Office, (PDOT–Beijing), na ang layunin ng pagsali sa China Outbound Travel and Tourism Market (COTTM) 2023 ay para hikayatin ang mga trade partners na makipagnegosyo sa mga Tsinong travel agent na nakabase sa Beijing.
Reception desk ng Philippine Department of Tourism booth
Saad ni Balane, magandang pagkakataon ito para sa mga Pilipinong travel agent na makausap at magkaroon sila ng partnership para mapalawak ang kanilang operasyon, hindi lamang sa Pilipinas, pati na rin sa buong Tsina.
Dr. Erwin Balane, Tourism Attache, PDOT-Beijing
“Ang importante ay makuha natin ang tinatarget nating market na kung saan magbibigay sa atin ng dagdag na trabaho, dagdag na kita, at dagdag na pagkakakitaan ng gobyerno pagdating sa mga serbisyong kanilang gustong maranasan sa Pilipinas,” dagdag ni Balane.
Mga Tsino travel agent
Aniya pa, isa sa mga tinutuunan ng pansin ay ang transportasyon, kung saan ito ay magbabalik ng mga flight services mula Tsina papuntang Pilipinas.
Arnel Aparis, Corporate Communications Manager
Ayon naman kay Arnel Aparis, Corporate Communications Manager, Be Hotels and Resorts, nasasabik silang sumali sa COTTM 2023 dahil maipopromote nila ang mga destinasyon sa Pilipinas lalo na ang Cebu at Bohol.
Mga kumpanyang travel at tours mula sa Pilipinas
Saad niya na sa ngayon, maraming nagtatanong at interesado na maglakbay ulit sa Pilipinas at sa pagbubukas ng kaganapan, maraming travel agencies na talagang nagtatanong at sabik na bumalik sa Pilipinas.
Aniya pa, isa sa mga nangungunang turista sa Pilipinas ay mga Tsino, ang kaganapan na ito ay pinopromote ang Pilipinas para muling maglakbay ang mga Tsino.
Ulat/Larawan/Video: Ramil Santos
Patnugot sa teksto: Jade
Patnugot sa website: Ernest